Recent Posts

Breaking News

‘Skeleton’ infra projects sa 2021 budget ibinuking ni Lacson

Ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson ang sangkatutak na mga “skeleton” infrastructure project na humihirit umano ng karagdagang pondo sa ilalim ng panukalang 2021 national budget.

Sa plenary debate ng Senado, sinabi ni Lacson na batay sa pagsasaliksik ng kanyang tanggapan, may 5,913 na ‘rehashed’ na mga proyekto na nauna nang kinuwestiyon sa budget process.

Isa sa mga litratong ipinakita nito ay ang multi-purpose na gusali sa Bacnotan, La Union, isang proyekto na nagkakahalaga ng P15.6 milyon mula 2017 hanggang 2020.

Humihingi pa umano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng panibagong P5 milyon sa ilalim ng 2021 budget para makumpleto ito.

Sabi ni Lacson, ang halaga ng konstruksiyon ng naturang gusali ay dapat P25,000 hanggang P30,000 kada square meters lang.

“Kung kukuwentahin natin na P25,000, dapat tapos na ito sa P10 million. But as I mentioned, nakagastos na ng P15.6 million. Ayan pa ‘yung itsura. It’s a skeleton structure as we speak,” lahad ni Lacson.

Ipinakita pa ni Lacson ang isa ring multi-purpose na gusali sa Pangasinan kung saan nilaanan ng P2 milyon noong 2019 subalit muling nag-request ang Department of Public Works and Highways ng dagdag na P3 milyon para makumpleto ang naturang proyekto.

Bukod diyan, ipinakita pa ni Lacson ang isang proyekto kung saan poste lang ang nakatayo kahit napondohan nito ng milyones sa mga nagdaang taon.

“Are we going to allow that this will be funded in the 2021 budget?” pahayag ni Lacson.

“Nakita naman natin na skeleton ‘yung after spending or appropriating a few million pesos, ganoon ang itsura. Eh para na tayong nagpapaloko,” dagdag pa nito.

The post ‘Skeleton’ infra projects sa 2021 budget ibinuking ni Lacson first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/skeleton-infra-projects-sa-2021-budget-ibinuking-ni-lacson2/)

Walang komento