Recent Posts

Breaking News

Pag-imbestiga ng Senado sa SEAG anomaly, ayaw ni Sotto

Hindi pabor si Senate President Vicente Sotto III sa panukalang imbestigahan ng Senado ang mga anomalya sa pag-host ng bansa ng 2019 Southeast Asian Games.

Ayon kay Sotto, malaking karangalan naman ang naibigay sa bansa nang pag-host ng event at mas mainam na ipaubaya na lang sa Office of the Ombudsman ang pag-imbestiga sa diumano’y katiwalian sa pagdaraos nito.

“We garnered an unprecedented medal haul in the recent SEA Games and instead of congratulations, we will reward the people behind with investigations? Huwag ganun,” pahayag ni Sotto sa kanyang text message sa mga reporter.

“Ombudsman mag-investigate. Puwede din sa kanila file complaint,” dagdag pa nito.

Nauna nang naghain ng magkahiwalay na resolusyon sina Senadora Risa Hontiveros at Leila de Lima para imbestigahan ang loan na ginawa ng gobyerno para pondohan ang pagpapatayo ng sports facility sa New Clark City.

Sa kanyang privilege speech noong Miyerkoles, inakusahan ni Hontiveros ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ng paggamit ng pera ng taumbayan para bayaran ang P9.5 bilyon uatang para pondohan ang kosntruksiyon ng sports facility na ginamit noong 2019 SEA Games.

Ito’y sa kabila ng nilagdaang joint venture agreement sa pagitan ng BCDA at Malaysian developer MTD Capital Berhad.

Sa ilalim ng kasunduan, ang BCDA ang maghahanap ng lupang pagtatayuan habang ang MTD Capital BErhad naman ang gagastos sa konstruksiyon ng pasilidad.

Si De Lima naman ay naghain ng dalawang resolusyon para imbestigahan ang mga problemang kinaharap sa pag-host ng SEA Games, kabilang ang liquidation ng public funds.

Noong Oktubre 26, isinampa ang kasong graft at malversation sa Ombudsman laban kina BCDA President at CEO Vivencio “Vince” Dizon at iba pa kaugnay ng irregular na kasuduan.

Inihain ang reklamo ni Diego L. Magpantay, president of Citizens Crime Watch Association, Inc., laban kina Dizon, MTD Capital Berhad Director Isaac David, Government Corporate Counsel Elpidio Vega, BCDA Senior Vice President for Legal Services Group Atty. Elvira Estanislao, at iba pang John at Jane Does.

The post Pag-imbestiga ng Senado sa SEAG anomaly, ayaw ni Sotto first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pag-imbestiga-ng-senado-sa-seag-anomaly-ayaw-ni-sotto/)

Walang komento