Recent Posts

Breaking News

Lapid sinusulong agrikultura na matibay sa kalamidad

Naghain si Senador Manuel ‘Lito’ Lapid ng isang panukala para sa pagbuo ng climate-resilient agriculture sa bansa para makasabay ang mga magsasaka sa mga hamon ng climate change gaya ng mga bagyo.

Sa ilalim ng Senate Bill 1912, kailangang i-institutionalize ang paggamit ng crop climate calendar para sa decision-making ng mga magsasaka. Kailangang magkaroon din ng access ang magsasaka sa localized weather at climate information.

Ayon kay Lapid, dahil umaabot sa halos 20 bagyo ang tumatama sa bansa kada taon, nagreresulta ito sa pagkasira ng bilyong pisong halaga sa sektor ng agrikultura.

Noong 2019, P16 bilyon ang nawasak na pananim na iniwan ng mga bagyo habang P34 bilyon naman noong 2018.

Nito lang katatapos na bagyong Quinta, Rolly at Ulysses kung saan winasak ang halos malaking bahagi ng Luzon, P10 bilyon ang nasira sa agricultural sektor at 150,000 magsagsaga ang naapektuhan.

“Sa likod ng mga nakalululang numerong ito at halaga ng mga nawasak at nasayang na pananim ay mga buhay ng ating mga magsasaka at ng kanilang pamilya na nalulubog din sa kumunoy tuwing may bagyo,” sabi ni Lapid.

“Kasabay kasing inaanod at winawasak ng mga bagyo ang kanilang pamumuhay kung saan nagmumula ang pantustos nila sa pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya panahon na para kumilos ang ating gobyerno para tulungan ang sektor ng agrikultura,” dagdag nito.

Nakasaad din sa panukala na mandato ng DA na bigyan ang mga magsasaka ng crop climate calendar na angkop sa partikular na lugar.

Magbibigay din ang DA ng regular na pagsasanay para sa mga magsasaka at kanilang organisasyon sa pagpraktis sa mga climate sensitive decision-making at ang paggamit ng tools at application para dito.

“Inaatasan din natin ang DA na bumuo ng malinaw at maayos na mga briefer at materyal gaya ng charts, tables at diagrams na madaling maintindihan ng ating mga magsasaka,” paliwanag ni Lapid.

“Malaki ang maitutulong ng mga ito para sa matalinong pagdedesisiyon kung kailan ang tamang panahon ng pagtatanim at pag-aani. Malaking bagay din ito para makaiwas na masayang ang kanilang pananim sa tuwing hahagupit ang mga bagyo,” sambit pa nito.

The post Lapid sinusulong agrikultura na matibay sa kalamidad first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lapid-sinusulong-agrikultura-na-matibay-sa-kalamidad-2/)

Walang komento