Recent Posts

Breaking News

Duterte nakatutok sa sitwasyon sa pananalasa ni ‘Ulysses’ – Go

Inihayag ni Senador Christopher “Bong” Go na ipinag-utos na ni Pangulong Duterte ang mobilisasyon ng lahat ng asset ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at Philippine National Police para sa rescue operation kasunod ng pananalasa ng bagyong Ulysses sa malaking bahagi ng Luzon kasama na ang Metro Manila.

“Pinapa-mobilize niya po ang lahat ng assets ng AFP, including Air Force, Army, mga kapulisan, Coast Guard at Navy, lalo na po sa mga kailangan po ng rubber boats para mapasok agad at ma-rescue ang mga kababayan natin na na-trap,” pahayag ni Go sa panayam sa telebisyon.

“Inuuna po muna namin ang rescue ng mga kababayan natin sa Marikina, San Mateo (Rizal), mga na-trap sa bubong. Inatasan na ng Pangulo ang lahat ng ahensya ng gobyerno na tugunan ang pangangailangan ng mga kababayan natin,” dagdag nito.

Bagama’t nakibahagi din ang Pangulo sa 37th Association of Southeast Asian Nations Summit and Related Summits sa pamamagitan ng video conference, tinututukan din umano ni Duterte ang sitwasyon sa bansa matapos ang pananalasa ng bagyong Ulysses.

“Nag-attend po si Pangulong Duterte sa ASEAN Summit. Kasalukuyan ay umalis po siya matapos niyang magbigay ng intervention doon sa ASEAN para i-address ang nation,” ani Go.

“Nakamonitor po ang ating Pangulo sa lahat ng pangyayari. Kanina po ay nag-attend ang mga Cabinet secretaries sa ASEAN subalit nagpaalam na po sila dahil inutusan ng Pangulo,” saad pa nito.

The post Duterte nakatutok sa sitwasyon sa pananalasa ni ‘Ulysses’ – Go first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-nakatutok-sa-sitwasyon-sa-pananalasa-ni-ulysses-go/)

Walang komento