Recent Posts

Breaking News

Calamity fund dagdagan, Project Noah buhayin – Pangilinan

Dahil sa magkasunod na pananalasa ng bagyo sa bansa, pinadadagdagan ni Senador Francis Pangilinan ang pondo para sa mga state disaster agency at pinabubuhay ang Project Noah o Nationwide Operational Assessment of Hazards.

“Kailangan nating maging parang boy scout at girl scout. Kailangan nating maging laging handa. With the insufficient budget in critical disaster mitigation and response agencies, we might be caught unguarded anew at the next strike of typhoon and flooding,” pahayag ni Pangilinan sa isang statement.

“Kung pwedeng iwasan, hindi na kailangan pang may mamatay. No life is worth risking and property worth sacrificing for something that can be mitigated in the first place,” dagdag nito.

Nanawagan din ito sa Department of Budget and Management na ibalik ang tinapyas na P70 milyong pondo ng Department of Science and Technology (DOST) dahil makakaapekto aniya ito sa ilan nilang mga project research.

Mahigit P16 bilyon ang pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) sa taong ito. Nakasaad sa 2021 National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Bill, P20 bilyon naman ang pondo para sa susunod na taon.

Itinaas ito ng Senado sa P21 bilyon subalit dahil sa magkasunod na bagyo, nangako si Senate Finance Committee chair Senador Sonny Angara na itaas ang calamity fund sa P27.25 bilyon.

Pero sa kabila nito, mas mababa pa rin ito sa P38 bilyon na inilaan noong 2016.

Iginiit ni Pangilinan na dapat ikonsidera ang pagbuhay sa Project NOAH na nasa ilalim ng DOST na tinanggalan ng pondo noong 2017.

Kabilang sa naging proyekto ng NOAH bago ang kanilang apgsara ay mga landslide sensor, storm surge inundation mapping project, flood network at hydrometeorological sensors development.

“Konti lang ang kailangan natin para mabawasan nang konti ang epekto ng ganitong mga disaster. We should be able to give respite to our people from calamities. As they rebuild their lives each year, they are pounded by yet another typhoon,” ani Pangilinan.

The post Calamity fund dagdagan, Project Noah buhayin - Pangilinan first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/calamity-fund-dagdagan-project-noah-buhayin-pangilinan/)

Walang komento