Recent Posts

Breaking News

Nanay mas kailangan sa IATF – Imee

Hinikayat ni Senador Imee Marcos ang gobyerno na seryosong ikonsidera ang pagtatalaga ng isang nanay na ordinaryong maybahay sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) o magtayo ng special committee na pamumunuan niya para suriin ang epekto ng COVID-19 sa mga kababaihan.

“Ang nanay ang sentro o pumapagitna sa lahat ng ito. Napakaraming malulupit at iba’t ibang epekto ng pandemya sa mga kababaihan,” pahayag ni Marcos.

“Kailangan natin ng isang maabilidad na nanay para makaagapay sa pandemya. Ang isang programang pautang para sa tablet o ang suporta para sa hulugan na mga gadget ang maiisip na remedyo kung may nanay na nakaupo sa IATF,” dagdag pa nito.

“Ang isang nanay ay nakapaglagay na sana ng mga community-based tutoring pools para hawakan ang maliliit na grupo ng mga bata o kaya’y bubuksan ang mga kalsada at mga auditorium at mas maraming handwashing facility para magamit ng mga pamilya. Pero sa halip, inaaresto natin ang mga tao dahil sa paglabag sa mga quarantine. Saang lugar ihihiwalay ang mga ito sa masikip at depressed area?” tanong ni Marcos.

Ayon pa sa senador, mas napaigting ng pandemya ang tagong diskriminasyon sa mga babae at sa kawalan ng mga panuntunan para makatutulong sa kanila, punto pa ni Marcos.

“Hindi masusukat ang pagbubuwis ng kalusugan ng mga health worker, kung saan 70% sa mga ito’y mga babae,” ani Marcos, na nagsabi pang ginagampanan na rin ng mga babae ang papel ng mga caregivers na walang katapat na kabayaran kapag nagkaroon ng kapansanan o malalang sakit ang sinuman sa miyembro ng kanilang pamilya.

Bagamat kinikilala sa buong mundo ang potensyal na kakayahang pang ekonomiya ng mga kababaihan sa micro-businesses at MSEs, iginiit ni Marcos na napipigilan pa rin ito ng limitadong access sa mga programang pautang, dahil kadalasan sa mga titulo ng ari-arian na kailangan bilang collateral ay nakapangalan sa kanilang asawa.

Ang isang nanay na nasa IATF ay mas magiging abala sa mga opisyal na ulat na may kaugnayan sa mga kababaihan, halimbawa ay ang nilabas na impormasyon ng Philippine National Police na bumaba ang bilang ng karahasan sa mga kababaihan at kabataan.

“Kulang ang mga kababaihan sa IATF. Kawawa naman si Secretary Briones na tambak ang trabaho dahil sa makabagong paraan ng pagtuturo, hirap din si Secretary Berna dahil di maka-agapay ang sektor ng turismo. Kailangan natin ng may sentido kumon pero may pusong nanay sa pagbuo ng mga polisiya,” sad pa nito.

The post Nanay mas kailangan sa IATF - Imee first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/nanay-mas-kailangan-sa-iatf-imee/)

Walang komento