Recent Posts

Breaking News

Face-to-face class gawin sa 400 COVID low-risk area – VP Leni

Dahil maraming guro ang nababahala sa magastos na workload na dala ng online learning, muling tinulak ni Vice President Leni Robredo ang pagkakasa ng face-to-face classes sa mga lugar sa bansa na wala nang community transmission ng COVID-19.

Ayon aniya sa datos ng Department of Health, nasa 400 lugar nationwide ang pasok sa nasabing kondisyon.

Sa kanyang lingguhang talk show kahapon, sinabi ni Robredo na posibleng maglunsad ng in-person class sa mga COVID-19 low-risk area nang dalawang beses kada linggo.

Tututok aniya ang mga klase sa pagbabasa, matematika, at agham.

Nakatanggap aniya ang kanyang opisina ng mga pahayag mula sa mga gurong nag-aalala sa matindi at madalas ay magastos na workload na kaakibat ng paglulunsad ng online classes.

Dagdag niya, may ilan pa ring mga guro na walang gadget o matinong internet signal.

Ngayong Lunes, Oktubre 5, nagsimula na ang balik-eskuwela sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas via distance learning o pag-aaral gamit ang internet, radio show, educational television, o mga printed o digital module sa bahay.

Pinagbawal muna ng gobyerno ang face-to-face class habang may banta pa ng nakahahawang COVID-19.

The post Face-to-face class gawin sa 400 COVID low-risk area - VP Leni first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/face-to-face-class-gawin-sa-400-covid-low-risk-area-vp-leni/)

Walang komento