Recent Posts

Breaking News

Dipaculao vice mayor sinisi swab machine sa positibong COVID test result

Wala raw nilabag na health protocol ang vice mayor ng Dipaculao, Aurora sa kanyang paglabas-masok sa Nueva Ecija, taliwas sa pahayag ng kanilang gobernador na pinuna ang hindi niya pag-self-quarantine kapag umaalis ng probinsya.

Sa panayam sa local radio, sinabi ni Vice Mayor Franklin Reyes na “magaling” na agad siya at kanyang 47-anyos na asawa nang dalhin sa Aurora Memorial Hospital.

“Nagpapasalamat po ako dahil sa kalagayan ko ngayon ay nasa maayos po na kondisyon ang aking kalusugan saka po ang aking asawa. Unang araw pa lang po namin dito sa ospital na ito sa Minerva ay magaling na po kami agad,” sambit ni Reyes, 48.

“Ang nakakapagtaka nga lang, ‘yung swab test na dinala sa amin sa Pampanga ay positive [ang resulta], na kung saan ay wala namang makita ‘yung doktor at nurses sa amin na symptoms.”

“‘Di ko malaman kung sa’n nila napulot ‘yung machine na ginagamit nilang pang-detect nun sa Pampanga,” giit niya pa.

Reaksiyon ito ng vice mayor sa pahayag ni Aurora Governor Gerardo Noveras na may hindi-pinangalanang Dipaculao official na ilang beses pumunta sa Nueva Ecija town na may COVID-19 cases pero hindi nag-self-quarantine pagbalik at patuloy sa pagtatrabaho at pagbisita sa mga barangay. Doon umano nahawa sa virus ang opisyal.

Inanunsiyo ng Dipaculao LGU na 7 close contact ng mag-asawang Reyes ang nagpositibo rin sa virus.

245 katao naman sa iba’t ibang barangay ang pina-home quarantine habang 34 katao ang inatasang mag-facility quarantine dahil din sa dalawang naunang pasyente.

Punto ng vice mayor, ang may mali talaga ay ang coronavirus swab test machine.

“Malakas na malakas po [ako]. Pati po ‘yung mga kababayan ko sa Dipaculao na swinab test din ay sinat lang, o kaya yung iba ay wala namang sinat ay positive pa rin ang lumalabas. Falsification nga daw yung machine na ginamit sa pagsa-swab test,” aniya pa.

Giniit din ni Reyes na “COVID-19 free” ang San Leonardo sa Nueva Ecija, kung saan siya nagpabalik-balik. Hindi aniya siya roon nakakuha ng coronavirus.

“Totoo, lumabas po ako ng Nueva Ecija, pero sumusunod po ako sa protocol…Lumalabas po ako, hindi ko po nagagamit ‘yung 24 hours na ibinibigay sa’kin na palugit. Wala pang dose oras, nakakauwi na ako kaagad, so wala akong nilabag sa mga proseso na ‘yon,” ayon sa vice mayor.

“Wala namang nakalagay sa Executive Order na kapag lumabas ka, pagbalik mo, kailangang mag-swab test. Wala namang gano’n. Kundi, kailangan, ‘pag [lumampas ka sa] binigay na palugit sa’yo, obligadong magpa-swab test ka na.”

“At saka, ‘yung pinuntahan ko na bayan, San Leonardo po ‘yun, wala pong COVID do’n,” aniya pa.

The post Dipaculao vice mayor sinisi swab machine sa positibong COVID test result first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dipaculao-vice-mayor-sinisi-swab-machine-sa-positibong-covid-test-result/)

Walang komento