Recent Posts

Breaking News

Dagdagan pa ang biyahe ng mga jeep – Poe

Dapat payagan nang makabiyahe ang maraming mga jeepney kung paluluwagin din lang ng gobyerno ang quarantine restriction tulad ng pagpapaikli ng oras ng curfew, ayon kay Senadora Grace Poe.

Nagbabala pa si Poe, chairperson ng Senate committee on public services, na kung ire-relax ng gobyerno ang curfew hours at quarantine restriction, magreresulta ito sa paglabas ng maraming tao sa kanilang mga tahanan at posibleng mahawaan ng virus kung hindi dadagdagan ang biyahe ng mga public utility vehicles (PUVs).

Sabi pa ng senadora, hindi kakayanin ng kasalukuyang public transport system ang pagdagsa ng maraming mananakay lalo na’t hindi sapat ang PUVs para magsakay ng mga pasahero.

“Without the complementary boost in the number of jeepneys and other PUVs, commuters will suffer and face the risk of infection due to crowding in terminals and public vehicles,” sabi ni Poe.

“More jeepneys should be allowed to return on the road, adhering to health protocols,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Poe ang suhestiyon matapos ihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na para mapalakas ang muling pagbubukas ng ekonomiya, iminungkahi ng mga gabinete na itakda ang curfew sa pagitan ng hatinggabi hanggang 4 a.m. sa halip na 10 p.m. hanggang 5 a.m.

Subalit nilinaw ni Roque na rekomendasyon lang ito at ang local government unit pa rin ang magpapatupad ng curfew hour sa kanilang nasasakupan.

The post Dagdagan pa ang biyahe ng mga jeep – Poe first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dagdagan-pa-ang-biyahe-ng-mga-jeep-poe/)

Walang komento