Recent Posts

Breaking News

‘Bangayan sa Kamara ‘di dapat maka-delay sa 2021 budget’

Hindi dapat makaantala sa pagpasa ng 2021 national budget ang nangyayaring bangayan ngayon sa liderato sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson dahil ayaw rin naman aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng reenacted budget sakaling ma-delay ang pagpasa nito.

“Unang-una, ang internal squabble nila tungkol sa agreement nila na pagpapalit ng 15-21, sa kanila yan. Whether or not sundin nila yan, nasa kanila. Lookout nila yan kay Presidente kasi siya ang saksi mismo nang nag-usap-usap sila at naging saksi uli nang nag-confrontation sila,” pahayag ni Lacson sa panayam sa DZBB.

Sa kabila ng giriian sa Kamara, umaasa si Lacson na maisusumite ang House version ng budget sa Senado bago mag-break sa Oktubre 17.

“Sa amin sa Senado, ang bottom line lang sa amin ipadala nila sa amin ang House version ng national budget bago kami mag-break. Kasi may kalendaryo rin kaming sinusunod. Pagbalik namin sa November, plenary debates na kami ng budget,” ani Lacson.

Ayon kay Lacson, sa ngayon aniya’y puro ‘tentative’ ang ginagawa nilang pagdinig sa mga komite dahil ang pinagbabasehan lang nila ay ang National Expenditure Program (NEP).

“Ang dapat na pinagbabasehan namin pag nagdi-discuss kami maski sa committee pa lang, ang HOR version. Ngayon nasa plenaryo pa sila, di pa nila natatapos, Oct 14 ang deadline nila. Magbe-break kami Oct 17,” sabi Lacson.

“So pwede naman kami magkaroon ng pagdinig sa committee, tuloy-tuloy, after ng break or suspension ng aming session. Pero ang aming kalendaryo by Nov 17 pagbalik namin dapat plenaryo na kami. Meron na kaming debate sa floor,” sambit pa nito.

Kung maantala aniya ang pagbigay sa Senado ng House version ng panukalang 2021 budget, hindi magarantiya ni Lacson kung matatapos nila ito bago mag-break ng Disyembre.

“Pagka na-delay ng na-delay yan, napakahaba niyan may amendments pa yan, magsa-submit pa ang subcommittee ng committee report, may sponsorship speech. Pagkatapos noon may amendment pa yan at may bicam pa. Kakayanin ba namin yan bago kami mag-break ng December? Kasi pagbalik namin, Enero na,” sabi pa ni Lacson,

“Hindi na tayo makakaabot at ayaw rin ng Pangulo magkaroon ng reenacted budget. Ang national budget napakaimportante kasi ang tema mismo kung babalikan natin ang tema ng national budget, ‘Reset, Rebound, Recover’” ayon pa sa senador.

The post ‘Bangayan sa Kamara ‘di dapat maka-delay sa 2021 budget’ first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bangayan-sa-kamara-di-dapat-maka-delay-sa-2021-budget/)

Walang komento