Recent Posts

Breaking News

Angara: Mga jobless na pintor pagpintahin sa EDSA, Pasig River

Para masuportahan ang mga pintor na nawala ng kabuhayan dahil sa pandemya, nanawagan si Senador Sonny Angara sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at sa iba pang ahensiya ng gobyerno ng gumawa ng paraan para makuha ang kanilang talento at mabigyan ng trabaho ngayong krisis.

Sa pagdinig sa Senado ng mga panukalang pondo ng mga cultural agency, kabilang ang NCCA, binanggit ni Angara, chairman ng Committee on Finance, ang program ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng Pasig River.

Ayon kay Angara, ang MMDA bilang bahagi ng kanilang programa na i-rehabilitate ang Pasig River ay kumuha ng mga artist magpinta ng mga mural sa pader at baybayin nito.

“Maybe the NCCA could recommend some of the artists who need some commissions to the MMDA so there’s a source of income for them because I’m sure kahit papaano yung market for their services have been affected somewhat,” sabi ni Angara.

Ang MMDA na nag-o-operate ng Pasig River system ay sinusuportahan din ni Angara bilang alternatibong uri ng transportasyon ng mga residente sa Metro Manila.

Sa ilalim ng 2020 national budget, ang MMDA ay pinaglaanan ng P176 milyon para sa pagbili ng apat na 50-seater air-conditioned ferry boards para madagdagan ang bilang ng naglalayag sa Pasig River.

Ang NCCA naman ay nagbibigay ng ayuda sa libong mga pintor na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Nitong Agosto ng taong ito, nagbigay ang NCAA na one-time cash assistance na P5,000 sa mahigit 10,000 artist na freelance worker o iyong walang natatanggap na regular ng kompensasyon.

“Ang mga freelancers natin tulad ng mga artists ay talagang hirap na hirap na dahil no work, no pay sila. Wala silang mga projects sa panahon ng pandemiya kaya isa sila sa mga sektor na pinaka apektado. Kailangan natin maghanap ng paraan para sila ay matulungan,” sabi ni Angara.

Bukod sa baybayin ng Pasig River, maaring magpunta ang mga artist na ito sa mga pader sa kahabaan ng Edsa.

“Ang dami natin magagaling na mga artists na nasasayang lang ang talento dahil sa pandemiya na ito. Gamitin natin ang mga willing na tumulong. Makakatulong na tayo sa mga naghihirap sa panahon na ito, mapapaganda pa natin ang ating kapaligiran,” ayon sa senador.

The post Angara: Mga jobless na pintor pagpintahin sa EDSA, Pasig River first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/angara-mga-jobless-na-pintor-pagpintahin-sa-edsa-pasig-river/)

Walang komento