Recent Posts

Breaking News

1 araw bago ang pasukan, self-learning module ‘di pa handa – mga guro

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, may ilan pang lugar sa bansa na hindi pa napupunan ang pangunahing pangangailangan, gaya ng self-learning module, kahit na bukas na ang balik-eskuwela sa mga public school.

“Nasayang po ‘yung panahon ng pag-aaantay at pagkakansela noong August 24 at hindi po pa rin tayo in place doon sa mga basic na kailangan para sa opening,” sambit ni ACT PH secretary general Raymond Basilio sa dzBB, Oktubre 4.

Dapat magsisimula ang pasukan noong Agosto 24 pero inusog ito patungong Oktubre 5 para makapaghanda ang mga guro at estudyante sa blended learning.

Karaniwang face-to-face ang mga klase sa bansa pero dahil sa banta ng coronavirus disease ay hindi ito pinapayagan ng gobyerno sa ngayon.

Wika ni Basilio, may ilang mag-aaral sa Quezon City na hanggang ngayon ay wala pang kopya ng mga self-learning module.

May ilan naman aniyang guro sa Sarangani na hindi nakapamahagi ng module sa mga estudyante dahil bawal silang tumungo sa mga lugar na may anti-coronavirus localized lockdown.

Sinabi rin ng ACT PH official na may mga gurong wala pa ring laptop na gagamitin para mamonitor ang kanilang mga mag-aaral via online learning.

Samantala, sinabi ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na “handang-handa” na ang ahensiya para sa balik-eskuwela bukas.

“‘Pag sinabi naming handang-handa, pinaghahandaan din ang contingencies para mabigyan ng tugon ‘yung mga magiging hamon simula bukas,” aniya pa.

The post 1 araw bago ang pasukan, self-learning module 'di pa handa - mga guro first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/1-araw-bago-ang-pasukan-self-learning-module-di-pa-handa-mga-guro/)

Walang komento