Recent Posts

Breaking News

Win: Human Trafficking Law dagdagan ng ngipin

Kailangang paigtingin ang pagsugpo ng pamahalaan sa human trafficking kaya sinulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang Senate Bill No. 1794 ang Republic Act No. 9208 na una nang inamyendahan ng Republic Act No. 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act.

Layunin nito na palakasin ang mga pamamaraan ng pagtugis sa ano mang uri ng human trafficking, kabilang ang pornography, prostitusyon, pang-aabusong sekswal, forced labor, at pagbebenta ng laman loob.

“Napapanahon nang patatagin natin ang batas upang sugpuin ang human trafficking sa bansa, lalo na’t nakita nating ang mga kabataan at kababaihan ay nasa higit na panganib,” sabi ni Gatchalian.

“Maliban sa mas malakas na sistema para sa pagtugis sa mga kriminal, bahagi ng repormang isinusulong natin ang mas malawak na pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng ating gobyerno upang masiguro natin ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” dagdag nito.

Sa ilalim ng naturang panukala, maaaring magbigay ang Regional Trial Court ng pormal na kautusan upang siyasatin o i-rekord ang mga mensahe, datos, at impormasyong nagmumula sa isang taong pinaghihinalaan o nakasuhan na ng trafficking.

Bibigyan ng mandato ng naturang panukala ang mga internet service providers o ISPs at tourism-oriented establishments na i-ulat at pigilan ang mga kaso ng trafficking.

Magiging tungkulin naman ng mga tourism-related establishments ang pagsasanay sa kanilang mga empleyado upang matukoy ang mga posibleng insidente ng trafficking sa kanilang mga pasilidad at mai-ulat ang mga ito sa mga awtoridad.

Para maisakatuparan ito, palalakasin ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa pamamagitan ng pakikipagsanib pwersa sa mga ahensiyang tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Department of Health (DOH), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Transportation (DOTr), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon sa IACAT, 96 porsyento ng higit 60 hatol sa mga kaso ng human trafficking mula 2005 hanggang Hunyo ngayong taon ay may kinalaman sa sex trafficking. Sa 1,215 naging biktima, halos 57 porsyento ay mga menor de edad.

Pinuna rin ni Gatchalian ang pag-akyat ng mga kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) sa bansa mula ng magka-lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa ulat ng Office of Cybercrime ng Department of Justice o DOJ, 279,166 mga kaso ng OSEC ang naitala mula Marso 1 hanggang Mayo 24, mas mataas ng 264% kung ihahambing sa parehong petsa noong nakaraang taon.

The post Win: Human Trafficking Law dagdagan ng ngipin first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/win-human-trafficking-law-dagdagan-ng-ngipin/)

Walang komento