Recent Posts

Breaking News

Win: Book of accounts ng 3 oil company silipin

Kailangang magpatupad ng tamang presyuhan ng mga produktong petrolyo sa merkado at para magkaalaman, mas makabubuting buksan ang book of accounts ng tatlong malalaking kumpanya ng langis sa bansa, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Nauna nang nagdesisyon ang Korte Suprema na baligtarin ang kautusan ng Manila Trial Court noong 2019 sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Commission on Audit (COA), at Bureau of Customs (BoC) na pabuksan sa Petron Corporation, Pilipinas Shell Petroleum Corporation, at Chevron Philippines ang kanilang books of accounts.

Sabi ng Korte Suprema, hindi ito mandato ng mga nasabing ahensiya ng gobyerno.

Sa halip, sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act No. 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1988, ang Department of Energy at Department of Justice (DOE-DOJ) Joint Task Force ang may mandatong magsagawa ng mga imbestigasyon at magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga pasaway na kumpanya ng langis.

“Balak kong maghain ng panukalang batas na magpapaigting sa kasalukuyang batas sa industriya ng downstream oil. Pinag-iisipan ko na rin ang ilang mga paraan para mas patatagin ang anti-trust safeguards na nasa RA 8479 at kung papaano ito iuugnay sa Philippine Competition Act,” sabi ni Gatchalian.

Ang probisyon ng anti-trust safeguards sa RA 8479 ay may layong panatilihin ang patas na kumpetisyon at maiwasan ang kartel at monopolya na siyang nagdidikta ng hindi makatarungang presyo sa merkado.

Binigyang-diin ni Gatchalian, na maraming mga mamimili ang umaalma sa kalakaran ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

“Nagtataka sila kung bakit sa tuwing tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay agaran din ang sabay-sabay na pagtataas sa presyo ng tinaguriang “Big 3”kahit na nauna na silang mag-angkat ng langis bago pa tumaas ang presyo sa world market,” sabi ni Gatchalian kaya nais niyang busisiin ang galawa sa presyo ng langis sa merkado.

Sabi pa ng chairman ng Senate energy committee, dahil sa kawalan ng ‘transparency’, umiingay ang hinala na may monopolya o sabwatang nangyayari sa pagitan ng tatlong malalaking kumpanya para manipulahin ang presyo sa merkado.

Sa kasalukuyan, ang downstream oil industry ay patuloy na pinangungunahan pa rin ng mga tinaguriang ‘Big 3’ oil companies kahit na mahigit tatlong dekada nang naisabatas ang Oil Deregulation Law.

The post Win: Book of accounts ng 3 oil company silipin first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/win-book-of-accounts-ng-3-oil-company-silipin/)

Walang komento