Recent Posts

Breaking News

Sushi delivery may kasamang borta

Kakaibang pakulo ang naisip ng isang chef-bodybuilder para maisalba ang kanyang sushi business sa panahon ng coronavirus pandemic.

Nirekrut ni Masanori Sugiura, 41, ang kanyang mga kasamahang bodybuilder para maging delivery boy ng mga produkto ng kanyang sushi restaurant na Imazushi sa Aichi Prefecture, Japan.

Ayon sa Japan Times, nagsimulang mag-gym ang naturang chef noong 20s siya at sumali sa mga bodybuilding competition noong 30s. Nito lang Pebrero, pangatlo na siya sa world championship for bodybuilding.

Hinagupit ng pandemya ang kanyang sushi restaurant dahil ang karaniwang revenue nitong ¥100 million (₱45.72 million) para sa April-June quarter ay bumulusok sa ¥10 million.

Dahil dito, ayon sa ulat, napilitan si Sugiura na magbawas ng mga tauhan mula 50 patungong apat.

Samantala, karamihan sa mga kapwa niya kalahok sa bodybuilding competition ay nawalan ng trabaho bilang gym employee dahil pinasara ang mga gym dulot ng COVID-19 crisis.

Kaya naman naisip ni Sugiura na ilunsad ang “Delivery Macho” service, kung saan ide-deliver ng mga borta ang pagkain sa bahay ng mga customer. Siya mismo ay parte ng service, maging mga kaibigan at kakilala niya sa Japanese bodybuilding tournament circuit.

Nagbebenta sila ng mga bento boxed lunch na pang-isang tao, mga shareable sushi set, at maging mga multi-item party platter.

Kapag dinedeliber na nila ang pagkain, hinuhubad ng mga lalaki ang kanilang pantaas na suot at nagpo-pose sa customer.

Pwede rin umanong magpa-picture sa mga ito nang may pag-obserba sa social distancing o dalawang metrong pagitan sa customer.

Patok ang pakulo ni Sugiura sa social media. Naging viral ang Delivery Macho sa Twitter Japan nang i-launch na ang official website nito.

Bukod dito, tumatanggap aniya ang Imazushi nang walo hanggang 10 order sa mga busy day at kumikita kada buwan nang ¥1.5 million (₱686,000) dahil sa Delivery Macho.

The post Sushi delivery may kasamang borta first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sushi-delivery-may-kasamang-borta/)

Walang komento