Recent Posts

Breaking News

Sana magka-peace of mind si Pemberton – Laudes’ lawyer

Humingi ng tawad na lang ang tanging magagawa ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton para sa pamilya ng kanyang pinaslang na Pinay transgender na si Jennifer Laude, ayon sa abogado ng huli.

Ginawa ni Atty. Virgie Suarez ang pahayag matapos maglabas ng “thank you and apology letter” si Pemberton, sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Rowena Garcia-Flores.

Nagpasalamat ang convicted killer kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa natamo niyang absolute pardon, at nagpaabot ng simpatiya sa pamilya Laude para sa “dinulot niyang sakit”.

Nanggigil naman si Suarez gayong kinailangan pa aniyang utusan ang Amerikano ng abogado nito na mag-sorry sa ginawang pamamaslang.

“‘Yung nakasakit o nakabangga ka lang, you would say sorry. Pero ito, pinatay niya, hindi man lang siya mag-sorry. Kailangan pa siyang utusan ng kanyang counsel! He owes it also to the Filipino people. More than anyone else, he owes it to the Laude family,” sambit ni Suarez sa ulat ng ABS-CBN News, Setyembre 13.

“The LGBTQ+ family, hindi talaga nila matanggap because even during the trial, Pemberton refers to Jennifer Laude as ‘it.’ Where is the dignity there? Where is the respect there? You killed a person, not an animal! Why refer to Jennifer Laude as ‘it’?”

“Ang hope ko na lang kay Pemberton, sana may natutunan siya, sana magkaroon siya ng peace of mind, at sana hindi na maulit. Sana hindi niya hintayin na magkaroon siya ng sariling anak para marealize niya ang lahat ng kanyang ginawa,” aniya pa.

Kaninang umaga, nakaalis na ng Pilipinas si Pemberton sakay ng military plane at lumipad mula Ninoy Aquino International Airport patungong Amerika, ayon sa Bureau of Immigration.

Matatandaang natagpuang patay si Jennifer sa isang banyo sa Olongapo City lodge noong Oktubre 2014. Nakalublob ang ulo niya sa kubeta.

Inamin ni Pemberton na sinakal niya si Laude hanggang mamatay, matapos mapag-alamang transgender ang huli.

“I choked it, wrapped my arms around it until it stopped moving, and dragged it towards the bathroom,” ayon pa sa US soldier sa isang TV report.

Nakulong si Pemberton sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, nanatili sa piitan nang 6 taon bago pagdesisyunan ng korte sa Olongapo na pwede na itong makalaya dahil sa good conduct time allowance.

Pinalagan ito ng pamilya Laude ngunit hindi rin napigilan ang paglaya ng Kano matapos bigyang-pardon ni Duterte.

The post Sana magka-peace of mind si Pemberton - Laudes' lawyer first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sana-magka-peace-of-mind-si-pemberton-laudes-lawyer/)

Walang komento