Recent Posts

Breaking News

Puting buhangin sa Manila Bay pansamantala lang ang ganda – obispo

Bukod sa Kaliwa Dam project, binatikos din ng isang obispong Pinoy ang paglalagay ng synthetic white sand sa Manila Bay habang nananalasa sa bansa ang coronavirus pandemic.

Hayag ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, dapat sana’y nilaan na lang ang P389-milyong pondo sa buhangin para sa pagbibigay-ayuda sa mga apektado nitong health crisis.

“Kung ang DENR ay may pera, itulong niya sana sa pagbibigay ng trabaho, pagbibigay ng pagkain sa mga nangangailangan,” ani Pabillo sa Radyo Veritas, Setyembre 6.

Binanggit din niya na “pansamantala” lang ang “kagandahang” idudulot nitong hindi natural na buhangin sa Manila Bay.

“Hindi pa naman natin sigurado na ang white sand na ‘yan ay mananatili kasi alam naman natin na kapag tuwing bumabagyo ay talagang pinapasukan ‘yan ng lahat ng mga dumi, so pansamantala lang ‘yung kagandahan niyan,” ayon pa sa obispo.

Umaga ng parehong araw, hinikayat naman ni Pabillo ang mga nakiisa sa Sunday morning mass at lahat ng “mga nagmamahal sa bansa” na magsalita laban sa mga “katiwaliang nangyayari sa bayan”.

Sa kanyang homily, pinaliwanag ng obispo kung bakit mali aniya ang ginagawang China-led construction project na Kaliwa Dam–na layong dagdagan ang suplay ng tubig sa Metro Manila bukod sa Angat Dam.

“Mananahimik ba tayo sa paggawa ng Kaliwa Dam sa Quezon province na papatay sa ilang daang ektaryang gubat? Sisira sa biodiversity ng Sierra Madre? Lalamunin ang ancestral domain ng mga katutubo doon na may mga alternative water sources naman na hindi gaano magastos at hindi destructive?,” aniya pa.

The post Puting buhangin sa Manila Bay pansamantala lang ang ganda - obispo first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/puting-buhangin-sa-manila-bay-pansamantala-lang-ang-ganda-obispo/)

Walang komento