Recent Posts

Breaking News

Pemberton laya na, labas na ng ‘Pinas

Ngayong araw, nakaalis na ng Pilipinas ang US Marine na pinaslang noong 2014 ang isang Filipino transgender woman.

Matapos ang anim na taong pagkakakulong ay pinakawalan si Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton, na nahatulang guilty sa homicide para sa pagpatay kay Jennifer Laude.

Ayon sa Bureau of Immigration, matagumpay nang na-deport si Pemberton.

Dagdag pa ni BI spokesperson Dana Sandoval, sa isang ulat, ang military plane kung saan sakay ang Kano ay lumipad mula Ninoy Aquino International Airport nitong alas-9:14 ng umaga, Setyembre 13.

Ngayong araw lumipad papuntang Amerika si Pemberton matapos siyang gawaran ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinentensiyahan siyang makulong nang hanggang 10 taon pero pinagdesisyunan ng korte sa Olongapo na pwede na itong makalaya dahil sa good conduct time allowance.

Pinalagan ito ng pamilya Laude at naghain ng motion for reconsideration, ngunit hindi rin napigilan ang paglaya ng Kano matapos bigyang-pardon ni Duterte.

The post Pemberton laya na, labas na ng 'Pinas first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pemberton-laya-na-labas-na-ng-pinas/)

Walang komento