Recent Posts

Breaking News

Palasyo sa mga LSI: Bumalik muna kayo sa mga bahay n’yo!

Nanawagan ang Malacañang sa mga locally stranded individual (LSI) na umuwi muna sa kani-kanilang bahay at huwag tumambay sa Libingan ng mga Bayani dahil wala pang schedule para magpauwi sa mga probinsiya.

Ang panawagan ay ginawa ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng obserbasyon na marami sa mga LSI ang gusto lamang makasabay sa libreng tulong ng gobyerno para makauwi sa lalawigan.

Sinabi ni Roque na wala pang announcement para sa susunod na schedule sa pagpapauwi sa LSIs kaya mas makabubuting bumalik muna ang mga ito sa kani-kanilang mga bahay.

“Nakikiusap ako sa mga nagtitipon-tipon diyan sa Libingan ng mga Bayani, kung pupuwede bumalik muna sa inyong mga tinitirhan dito sa Metro Manila. Wala pa pong ina-announce na schedule itong programa natin na paghahatid tulong sa probinsiya,” ani Roque.

Nasa ilalim pa aniya ng General Community Quarantine ang Metro Manila at bawal magkumpulan dahil sa peligro ng COVID-19.

Sinabi ni Roque na ipapaalam na lamang sa pamamagitan ng media kapag mayroon nang schedule para makabiyahe pauwi sa lalawigan ang mga ito.

“Uulitin ko po dahil wala pang schedule, nakikiusap po kami doon sa mga nagtitipon-tipon, GCQ po ngayon 10 persons or 10% lang ang capacity pero open air ‘yan so limited to 10% lang iyan, umuwi muna po kayo,” dagdag ni Roque.

Batay sa obserbasyon ni Presidential Management Staff Undersecretary Joseph Encabo, may ibang LSI na halata namang may kaya pero gustong sumabay sa libreng biyahe para sa mga mahihirap para makauwi sa lalawigan.

The post Palasyo sa mga LSI: Bumalik muna kayo sa mga bahay n’yo! first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-sa-mga-lsi-bumalik-muna-kayo-sa-mga-bahay-nyo/)

Walang komento