Recent Posts

Breaking News

Pagtaas sa edad ng statutory rape tiyak na sa Senado – Zubiri

Sigurado nang makakalusot sa Senado ang panukalang itaas ang edad ng statutory rape sa 16 anyos.

Ito ang tiniyak ni Senate Majority Leader Migz Zubiri bunsod ng malakas na suporta ng mga senador sa panulalang batas na ito.

“Dahil halos lahat [sumusuporta], wala akong narinig na negative. Puro gusto nilang lahat na maging co-sponsor, co-author ng measure. At ito ang pinakadisenteng gawin sa ating bansa,” sabi ni Zubiri sa panayam sa DZBB.

“Sa tingin ko mabilis itong maipapasa. Ang plano namin, sana before the break. Pero depende kay Senator Richard Gordon. Siya ang chairman ng Committee on Justice. Baka pumayag siya na maging subcommittee chair na lang ako,” dagdag nito.

Sa ilalim ng panukala, ang edad ng statutory rape o age of consent ay itaas sa 16 anyos mula sa kasalukuyang 12 anyos.

Ibig sabihin nito, sinumang nakakatanda na makikipag-sex sa menor de edad na 16 anyos pababa ay ikokonsiderang guilty ng rape kahit na pumayag ang menor de edad.

“Gusto natin iangat ‘yan ng 16 years old, dahil ang batang 13, 14, 15 years old hanggang 16 years old, musmos pa ang pag-iisip niyan. Napakabata pa ng pag-iisip niyan,” paliwanag ni Zuburi.

“At napakadaling mawalan ng inosente, ng kabataan niyan. So ang daming nagte-take advantage nito,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa senador, nakaaalarma ang ulat ng Commission on Population and Development (PopCom) na sa mga kabataang babae, 80 porsiyento ay may partner na edad 21 anyos pataas.

“So ang nangyayari, nawawalan sila ng pag-asa dahil minsan kapag nabubuntis ka, 15 years old ka, 14 years old, hindi na kayo bumabalik sa eskuwelahan. At lalong nababaon ang pamilya sa utang at kahirapan dahil siyempre, nawawala sa eskuwela,” ani Zubiri.

“So gusto natin mawala na ang sexual predation or predators na ito at pedophile, ika nga, na makipagtalik sa mga bata. Kaya gusto natin para may deterrent by law,” sambit pa nito.

The post Pagtaas sa edad ng statutory rape tiyak na sa Senado - Zubiri first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagtaas-sa-edad-ng-statutory-rape-tiyak-na-sa-senado-zubiri/)

Walang komento