Recent Posts

Breaking News

‘Paglobo ng kaso ng suicide dahil sa COVID-19 pigilan’

Hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang mga paaralan na paigtingin ang pagpapalawak ng kaalaman kung paano maiiwasan ang pag-akyat ng mga kaso ng pagpapakamatay o suicide, ngayong mas nanganganib makaranas ang mga mag-aaral ng stress at anxiety sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ginawa ng senador ang panawagan kasabay ng paggunita ng ‘World Suicide Prevention Day’ ngayong araw, Setyembre 10, 2020.

Ayon kay Gatchalian, mahalagang maging bahagi ng mga programa sa mental health at psychosocial support ang pagtuturo sa mga kabataan kung paano matukoy ang mga posibleng senyales na maaaring mauwi sa suicide.

Ito ay upang mabigyan ng agarang aksiyon ang mga ganitong pangyayari at agad na maiulat sa mga awtoridad.

Maliban sa pagsasagawa ng counseling sessions para sa mga kabataang mag-aaral at pagsasanay sa mga guro kung paano magbigay ng psychosocial first aid, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng mga programa para sa peer counselling upang mahiyakat ang mga mag-aaral na magdamayan.

Sa 2015 Global School-based Student Health Survey na ginawa ng World Health Organization, halos labing-pitong (16.8) porsiyento ng mahigit walong libong (8,761) kalahok na mag-aaral sa Pilipinas na may edad 13 hanggang 17 ang nagtangkang magpakamatay.

12 porsiyento naman ang nagbalak mag-suicide.

Ayon sa Department of Education, may isang mag-aaral silang natukoy na nagpakamatay dahil sa epekto ng pandemya.

Kaya giit ng senador, lalong mahalaga ang psychosocial support lalo na’t nag-aalala rin ang mga mag-aaral sa pagkawala ng trabaho ng kanilang mga magulang at paglipat sa distance learning.

“Bahagi ng ating paglaban sa pandemya ng COVID-19 ang pangangalaga sa mental health ng ating mga kabataan, lalo na’t nananatili ang takot at kawalan ng kasiguruhan sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, pati na rin sa usapin ng edukasyon,” ayon sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Mahalaga ang tungkulin ng ating mga paaralan upang bigyan ng pang-unawa at suporta ang ating mga kabataan upang hindi sila mawalan ng pag-asa,”dagdag pa niya.

Samantala, may nilunsad na hotline ang Department of Health para sa mga mamamayang kinakailangan ng agarang counseling o may mga katanungan tungkol sa mental health.
Maaaring tawagan ang National Center for Mental Health Crisis Hotline sa 0917-899-8727 at 989-8727.

The post 'Paglobo ng kaso ng suicide dahil sa COVID-19 pigilan' first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/paglobo-ng-kaso-ng-suicide-dahil-sa-covid-19-pigilan/)

Walang komento