Recent Posts

Breaking News

P389M sa `white sand’ malaking bagay sa distance learning – DepEd

Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) na kung may malaking pondo na ibubuhos sa sektor ng edukasyon katulad ng P389 milyong pondo na inilaan para sa mga `white sand’ sa Manila Bay, siguradong mapupunta ito para sa pag-aaral ng mga bata ngayong pandemya.

Tugon ito ni Education Secretary Leonor Briones nang matanong sa Laging Handa briefing nitong Lunes, Setyembre 2, kung ano ang gagawin ng kanilang tanggapan sakaling mabibigyan ng malaking halaga na tulad ng inilaan para sa pagtatambak ng artipisyal na white sand sa Manila Bay.

“Kung may P389 milyon na ibibigay ang pamahalaan sa DepEd sigurado ako na malaking bahagi niyan mapupunta sa pangangalangan ng mga gadget at sa mga lugar na ang tawag natin ay last mile schools na walang connectivity, medyo isolated sila,” sabi ni Briones.

Bukod sa malaki umano ang maitutulong ng naturang halaga para sa gadget at mga eskuwelahang walang internet connectivity, magagamit din nila ang pondo para sa pagpapa-imprenta ng mga module.

Ayon kay Briones, maraming lugar ang nangangailangan ng module dahil hindi naman lahat mayroong access sa teknolohiya.

Subalit nilinaw din nito na hindi naman sila nakikialam sa budget ng ibang ahensya ng gobyerno.
Pinagkakasya na lamang umano nila kung ano ang binibigay ng gobyerno na pondo para sa sektor ng edukasyon.

The post P389M sa `white sand’ malaking bagay sa distance learning – DepEd first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p389m-sa-white-sand-malaking-bagay-sa-distance-learning-deped/)

Walang komento