Recent Posts

Breaking News

Nagpapasakop ba tayo? AFP-Dito deal pinaiimbestigahan

Naghain si Senador Risa Hontiveros ng isang resolusyon para siyasatin ang national security implication ng kasunduan na nagpapayag sa Dito Telecommunity Corp. na magtayo ng equipment at facility sa loob ng mga military base ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Nagpapasakop ba tayo? Ang isang China-owned telco sa kampo ng sarili nating militar ay lubos na kaduda-duda, lalo na at ang Tsina ay hindi humihinto sa agresibong pag-angkin sa West Philippine Sea, pagsira sa ating likas-yaman, at pag-abuso sa mga mangingisdang Pilipino,” pahayag ni Hontiveros.

Sabi ni Hontiveros, kanyang hihilingin sa Committee on National Defense na pinamumunuan ni Senador Panfilo lacson na dinggin agad ang inihain nitong Senate Resolution 137.

“Kailangang mabusisi ang kasunduang ito kasi mahirap paniwalaan na walang pansariling interes ang Tsina sa pagtayo nito ng cell sites sa sarili mismo nating military camps,” ani Hontiveros.

“Wala bang ibang cell sites? Bakit kailangan sa military bases? It’s as if the Chinese state itself is present within our military camps. Our national security is at risk here,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin ni Hontiveros na batay sa Article 7 ng Chinese National Intelligence Law, ang mga Chinese corporation ay obligadong suportahan ang ‘intelligence-gathering efforts’ ng kanilang pamahalaan.

“There is also the Chinese Counter-Espionage Law that Chinese corporations cannot refuse to assist their government in this regard. This is already a warning signal, and yet the AFP seems to have forgotten the warning its mother department itself raised last year,” ani Hontiveros.

Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang mga defense official sa pagtatayo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na malapit sa mga military bases at installations sa bansa.

“Nabahala nga ang mga defense officials natin sa mga POGOs na malapit sa military bases, hindi ba dapat mas mabahala tayo sa isang China-backed telco sa loob mismo ng mga kampo? It should have been common sense not to allow this,” sabi ni Hontiveros.

“We, in the Senate, should exercise our oversight powers at once to ensure that our national security is not undermined. Nangangamba na ang publiko sa patuloy na panghihimasok ng Tsina sa ating bansa, kaya imbestigahan na natin ito para maliwanagan at mapanatag ang mamayang Pilipino,” dagdag nito.

The post Nagpapasakop ba tayo? AFP-Dito deal pinaiimbestigahan first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/nagpapasakop-ba-tayo-afp-dito-deal-pinaiimbestigahan/)

Walang komento