Recent Posts

Breaking News

Mga taga-Maynila lang mareklamo! Nonoy, Cuajao binutata si Cansino

Nilantad nina Mark Nonoy at Deo Cuajao ang mga pangyayari sa naging Sorsogon bubble training ng UST Growling Tigers.

Sa panayam sa Power & Play ni dating PBA commissioner Noli Eala, sinagot ng dalawang dating player ng UST ang mga kontrobersya sa kanilang training sa Sorsogon.

Ayon kay Cuajao, Marso pa lang ay pinaalam na sa kanila na magkakaroon sila ng ensayo, na aniya’y dapat gagawin sa kanilang unibersidad ngunit pinagbawal dahil sa lockdown.

Late umano silang dumating sa training sa Sorsogon dahil kinailangan pang asikasuhin ang mga papel nila sa mga nakatira sa probinsya.

Nang pagdating sa bahay nina coach Aldin Ayo ay nilagay ang mga probinsyano sa quarantine, kasama na dito sina Nonoy at Cuajao, samantalang nauna nang dumating sa Sorsogon ang mga manlalaro na nakatira sa Metro Manila.

Nilinaw din ni Nonoy na tingin niya’y wala silang nilabag na health protocol dahil wala naman aniyang scrimmage at limitado lang din ang mga manlalaro sa training session.

Paliwanag din ni Cuajao, wala din silang naging problema sa pagkain, at sinabing ang mga naunang dumating lang na player ang may reklamo ukol dito.

Matatandaan na nilantad ni dating UST captain CJ Cansino ang umano’y problema sa pagkain tulad ng mga mamantikang ulam nang maglabas ito ng screenshot ng mga reklamo ng kapwa niya manlalaro.

“Sa amin pong taga-probinsya wala naman po kaming reklamo. ‘Yung mga nauna ngang (player) doon may nagreklamo. Hindi namin alam kung anong nangyari kasi late po kaming dumating,” ayon kay Cuajao.

Kinontra din nina Nonoy at Cuajao ang mga paratang na hindi sila pinapayagan makauwi sa kanilang mga pamilya, at mismong si Ayo pa umano ang nagsabi na pwede silang bumalik sakaling kailanganing umuwi.

“Wala namang sinabi si coach na ‘pag umuwi ka, wala ka na sa team,” lahad ni Nonoy.

“Sabi nga niya pwede naman umuwi, for example uuwi kami, tapos siguro the next month balak naming bumalik, pwede naman kami bumalik,” aniya pa.

Nagbitiw bilang head coach si Ayo at sinuspende sa UAAP dahil sa insidente, habang lumipat naman sina Cuajao at Nonoy sa poder ng La Salle Green Archers.

The post Mga taga-Maynila lang mareklamo! Nonoy, Cuajao binutata si Cansino first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-taga-maynila-lang-mareklamo-nonoy-cuajao-binutata-si-cansino/)

Walang komento