Recent Posts

Breaking News

Mga Nigerian hacker na nagnakaw umano sa UCPB timbog

Pinosasan ng National Bureau of Investigation ang apat na Nigerian national na hinihinalang parte ng pangungupit ng P167 milyon sa state-owned United Coconut Planters Bank (UCPB).

Sa ulat ng Bilyonaryo, sinabing may kaugnayan ang apat sa isang international hacking syndicate.

Ang mga Nigerian na inaresto sa Muntinlupa City nitong Martes ng umaga, Setyembre 8, ay pawang edad 23 hanggang 28.

Wika ni NBI cybercrime division chief Vic Lorenzo, sa ulat, kinasa ang raid sa bisa ng search warrant na inisyu bilang parte ng kanilang imbestigasyon sa P167-milyong cyber heist sa UCPB.

Bukod sa mga Nigerian, pinosasan din sa parehong raid ang isang Pilipina, 28, na napaulat na nagsagawa ng ilang over-the-counter withdrawal sa isang bangko para sa naturang sindikato.

Natukoy na umano ng NBI ang iba pang mga Pinoy na nakikipagtulungan sa sindikato at kumakalap na ng ebidensiya laban sa kanila.

“We are in the process of establishing their role in the crime, either the hackers or the syndicate’s men on the ground,’’ saad pa ni Lorenzo.

Nag-ugat ang insidente sa UCPB nang palitan ang Interscan Messaging Security Virtual Appliance nito patungong MS Exchange Online Protection.

Nagamit umano ng hackers ang naturang pagpapalit upang makapagpasok ng malware o computer virus sa computer system ng naturang bangko.

Ang nasabing malware ay may surveillance at remote access functions na hinayaan ang mga suspek na panoorin at matutunan kung paano pinoproseso, pinapadala, at tinatanggap ng bangko ang pera online.

The post Mga Nigerian hacker na nagnakaw umano sa UCPB timbog first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-nigerian-hacker-na-nagnakaw-umano-sa-ucpb-timbog/)

Walang komento