Recent Posts

Breaking News

Mga medical frontliner na pinapahiya sa tirahan sasaluhin ng gobyerno

Bibigyan ng gobyerno ng matutuluyan at pagkain ang mga healthcare worker na nakararanas ng diskriminasyon sa kanilang inuupahang tirahan o boarding house, lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga ospital na nangangasiwa ng mga COVID-19 case.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Presidente Rodrigo Duterte na masama sa loob nito ang mga nababalitaang pagpapalayas sa mga medical worker gaya ng mga nurse sa kanilang mga inuupahang lugar dahil sa pangangalaga sa mga pasyenteng may COVID-19.

Sasaluhin aniya ng gobyerno ang mga pinangingilagang health worker at dadalhin sa mga bakanteng hotel na malapit sa kanilang trabaho.

“Kayong lahat na mga health workers na pinapaalis sa inyong mga tintirhan, you can call directly the office of Secretary [Carlito] Galvez and we will provide you with necessary billeting pati pagkain na. And we will choose a place nearest to where you are working,” anang Pangulo.

Nakarating sa Presidente ang ulat na iniiwasan umano ang mga health worker frontliners at takot ang mga may-ari ng paupahan na makahawa ang mga ito sa mga kasamahan sa dormitoryo.

Sinabi ni Duterte na ibigay sa kanya ang pangalan ng mga may-ari ng boarding house o condo units para isapubliko amg mga ito at kapag nagkasakit ay huwag tanggapin ang mga ito sa ospital para tabla-tabla na lang.

“Isabi mo ang kanilang mga pangalan at I will call their attention publicly so that kung sila ang magkasakit, huwag na silang tanggapin sa ospital rin. Parang ganun, mabuti siguro. Tit for tat,” dagdag ng Pangulo.

Pero agad kumambiyo ang Presidente at sinabing nagbibiro lang ito.

Giniit ni Duterte na hindi magandang pakinggan na tumutulong na nga ang medical frontliners sa paglaban sa COVID pandemic pero pinapaalis at mistulang pinandidirihan ang mga ito.

“We will treat you decently. The long and short of it. Parang tao ka, and since you are there, I said obligasyon ng gobyerno na tumulong, ” wika pa niya.

The post Mga medical frontliner na pinapahiya sa tirahan sasaluhin ng gobyerno first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-medical-frontliner-na-pinapahiya-sa-tirahan-sasaluhin-ng-gobyerno/)

Walang komento