Recent Posts

Breaking News

Malacañang sa mga atat mamasyal sa Manila Bay: Hinay-hinay lang!

Pinayuhan ng Malacañang ang publiko na huwag sumabay sa pagdagsa sa Manila Bay para personal na makita ang white sand dahil sa peligro pa rin ng COVID-19.

Sa harap na rin ito ng hindi mahulugang-karayom na sitwasyon noong Linggo matapos dumami ang tao sa Manila Bay para masilayan ang bagong mukha ng baybaying-dagat at hindi sinunod ang ipinaiiral na social distancing.

Sinabi ni Paidential Spokesman Harry Roque na maraming pagkakataong makikita ng publiko ang bagong anyo ng Manila Bay sa sandaling wala na ang panganib ng COVID-19 sa bansa.

“Sa mga nais magpunta roon, huwag ho kayong mag-alala wala pong pupuntahan ‘yang white beach na ‘yan, so magkakaroon din kayo ng pagkakataon to enjoy the white beach of Manila Bay. Hinay-hinay lang,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na maging siya mismo ay ipinagpaliban ang pagpasyal sa Baywalk dahil ayaw nitong sumabay sa maraming taong nais na makita ang white sand ng Manila Bay.

“Ako pansamantala ipo-postpone ko ‘yung pagpunta diyan dahil napakadami na pong gustong makarating diyan,” ani Roque.

Muling umapela ang kalihim sa publiko na palaging sundin ang social distancing at huwag balewalain ito dahil kapag tinamaan ng COVID-19 ay posibleng hindi na makapaghanapbuhay kailanman.

“Nananawagan po kami sa taumbayan na kinakailangan mag-social distancing dahil kung hindi po, magkakasakit tayo. Kinakailangang ingatan ang ating mga buhay para tayo ay makapaghanapbuhay,” wika pa ni Roque.

The post Malacañang sa mga atat mamasyal sa Manila Bay: Hinay-hinay lang! first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/malacanang-sa-mga-atat-mamasyal-sa-manila-bay-hinay-hinay-lang/)

Walang komento