Recent Posts

Breaking News

Libing, cremation tuloy kahit sarado mga sementeryo

Nilinaw ni Metro Manila Council chairman at Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na papayagan ang libing at cremation service sa anim na araw na pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo at columbarium sa paggunita ng All Saints Day at All Souls Day.

Sa ginanap na MMC meeting noong Linggo, nagkasundo ang 17 Metro mayor na ipasara ng 6 na araw ang lahat ng pribado at pampublikong sementeryo sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang mass gathering na maaring magpalala sa kaso ng COVID-19 sa bansa.

Gayunman nilinaw ni Olivarez na magpapatuloy ang interment o burol gayundin ang cremation service sa buong Metro Manila sa 6-day closure sa Undas holiday mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4.

“For the past six months, rapid cremation has drastically increased not only in Metro Manila but in the country during this COVID-19 pandemic. Because of this, cremation facilities located inside the private and public cemetery should be open during this six-day closure,” paliwanag ni Olivarez.

Sa ilalim ng umiiral na Inter-agency Task Force (IATF) guidelines, kailangang ma-cremate sa loob ng 12-oras ang isang namatay sa COVID-19. Ilang cremation facility ang nagsasagawa ng pito hanggang 10 cremation sa isang araw simula nang kumalat ang virus noong Marso.

Pinayuhan ni Olivarez ang mga milyong Pilipino na bibisita sa mga sementeryo bago at pagkatapos nang gagawing closure na magsuot ng face shield at face mask at sumunod sa social distancing.
“We encourage them to visit the cemetery on a spread time. One month before or one month after Undas for us to still implement our physical distancing,” turan pa nito,
Kabilang sa mga isasara sa Paranaque ang Manila Memorial Park at Loyola Memorial Park sa Sucat ; Paranaque Catholic Cemetery sa Tramo Road at ang Paranaque (Palanyag) Public Cemetery.

The post Libing, cremation tuloy kahit sarado mga sementeryo first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/libing-cremation-tuloy-kahit-sarado-mga-sementeryo/)

Walang komento