Recent Posts

Breaking News

Kahit sarado sementeryo, libing papayagan pa rin sa Undas

Pahihintulutan pa rin ang mga libing at “iba pang regular na ginagawa” sa sementeryo kahit pa ikakandado ang lahat ng sementeryo sa Metro Manila sa parating na Undas.

Nilinaw ito ni Metropolitan Manila Development Authority general manager Jojo Garcia ngayong araw, Setyembre 14.

“Isasara kasi ‘yan (mga sementeryo), so hindi makakapasok ang mga tao. Pero kung yan ay libing, ‘yung regular na ginagawa sa sementeryo, may libing, may ice-cremate, definitely, pwede ‘yan,” ani Garcia sa isang online press conference.

“Ang iniiwasan lang natin ay ‘yung mass gathering, kasi sabay-sabay pupunta ‘yan (mga Pinoy) sa cemeteries to celebrate All Saints Day at All Souls Day,” saad niya pa.

Sinabi ito ni Garcia kasunod ng anunsiyo na sang-ayon lahat ng mga alkalde sa Metro Manila na isara sa panahon ng Undas ang mga sementeryo sa rehiyon nang isang linggo.

Para umano ito makaiwas sa mass gathering na pinagbabawal habang may COVID-19 pandemic.

“Ang petsa po ang IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases) ang magbibigay, but definitely for 1 week isasara,” sabi pa ng MMDA head.

Taun-taon, karaniwang dinudumog ng mga Pilipino ang mga sementeryo tuwing All Saints’ Day (Nobyembre 1) at All Souls’ Day (Nobyembre 2) para dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

The post Kahit sarado sementeryo, libing papayagan pa rin sa Undas first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kahit-sarado-sementeryo-libing-papayagan-pa-rin-sa-undas/)

Walang komento