Recent Posts

Breaking News

Imee: Water shortage nagbabadya, long-term solution ilatag na!

Umapela si Senadora Imee Marcos sa pamahalaan na resolbahin na ang sigalot sa pagitan ng mga komunidad na sasalantahin ng Kaliwa Dam project bunsod ng nararanasang kakulangan sa suplay ng tubig at paghahanap ng pangmatagalang solusyon dito para sa Metro Manila at mga kalapit-lungsod.

Sa kabila ng mga pag-ulan sa nakalipas na buwan, ani Marcos, patuloy sa pagbaba ang suplay ng tubig sa Angat Dam na mas mababa na sa 180 meters minimum operating level nito mula pa nuong Huwebes, malayo sa highest level nito na 204.5 meters na naitala noong Enero.

Babala pa ng senador, kapag hindi nagtuloy-tuloy ang pag-ulan posibleng masagad ang suplay ng tubig sa Angat Dam sa critical level nito na 160 meters pagsapit ng Nobyembre, sakaling mag tuloy-tuloy ang kasalukuyang rate ng nababawas na tubig.

“Once and for all, latagan na natin ng solusyon ang matagal nang problema sa tubig ng Metro Manila, short at long-term,” sabi ni Marcos, na umaapela sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH), at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

“Yung translation sa mga dokumento ng proyekto ay matagal nang hiniling ng mga Dumagat na daan sa mas malinaw na negosasyon at siyang magbibigay sa kanila ng malaya at pangunahing kaalaman ng pagsang-ayon o consent alinsunod sa batas,” dagdag pa nito.

Iginiit ni Marcos na noon pang Agosto 2019 ginawa ang request sa pagdinig ng Senate Committee on Cultural Communities na pinamumunuan niya.

Aniya, 32 indigenous communities sa mga munisipalidad ng General Nakar at Infanta sa probinsya ng Quezon, na pinangungunahan ng kanilang tribal leader na si Marcelino Tena, ang nagreklamo nitong weekend matapos silang hindi isama sa distribusyon ng mga translated na dokumento.

Iniulat ni Tena sa taggapan ni Marcos na may mga police escort pang bantay ang mga Chinese na trabahador ng kontraktor ng proyekto, ang China Energy Engineering Co. (CEEC) Ltd., na tuloy pa rin ang paggawa ng access roads o kalsada patungo sa site ng Kaliwa Dam sa kabila ng kakulangan ng mga permit na mula sa gobyerno.

Sa ngayon, sinabi ni Marcos na maaaring maparami ang suplay ng tubig kung gagamitin ng Maynilad ang bilyon-bilyon nitong kita para bawasan ang mga leakages ng tubig o mga ilegal na koneksyon, kung saan 30% ng kabuuang water distribution ng kumpanya ang nasasayang.

Mas lumaki din aniya ang pangangailangan sa tubig dahil sa Covid-19 pandemic na nangangailangan ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagligo, paglalaba at paglilinis.

The post Imee: Water shortage nagbabadya, long-term solution ilatag na! first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/imee-water-shortage-nagbabadya-long-term-solution-ilatag-na/)

Walang komento