Recent Posts

Breaking News

Imee sa mga Pinoy: ‘Wag maging baliw sa imported!

“Itigil na ang pagkabaliw sa importasyon. Tangkilikin ang sariling atin!”

Ito ang binigyang-diin ni Senador Imee Marcos kasabay ng paggigiit na dapat tulungan ng pamahalaan ang mga lokal na livestock raisers para maging mas competitive ang presyo ng kanilang mga produkto at maisalba ang kanilang kabuhayan sa bumabahang imported na bumubuo ng mahigit sa kalahati ng mga poultry at pork products sa merkado.

Sa imbentaryo ng National Meat Inspection Service (NMIS) noong Agosto, 81% sa 43,124 kilo ng frozen pork na sinurvey sa merkado ang puro imported.

Mahigit 58% naman ng kabuuang 60,810 kilos ng na-survey na dressed chicken ay pawang mga imported.

Ayon kay Marcos, chair ng Senate economic affairs, ang pagbaha ng imported poultry products at murang halaga ng benta nito sa merkado ang nagpapalala sa kalagayan ng mga local na poultry raisers na umaaray na nga sa biglang paghina ng kanilang pagbenta dahil sa Covid-19 pandemic.

Aniya, bumaba ang demand ng mga lokal na produktong manok at baboy sa mga food companies sa bansa gayundin sa mga hotel at restoran na nagbawas ng operasyon habang ang iba’y nagsara na ng tuluyan sa gitna ng mga pinalawig na community quarantine dahil sa pandemya.

Nitong nagdaang linggo, naglalaro na ang presyo sa mga palengke ng imported na baboy mula P120 hanggang P175 kada kilo, kumpara sa local pork na ibinebenta sa Php230 hanggang Php260.

Ang imported namang chicken ay naglalaro sa P100 hanggang P110 kada kilo ang presyo sa kapareho ring panahon, na mas mura kaysa lokal na chicken na nasa P125 hanggang P130 na presyo kada kilo.

Sabi ni Marcos, isang solusyon para mas maging competitive o makalaban ang presyo ng mga local poultry products ay ang pagbibigay ng Department of Agriculture sa mga poultry raiser ng teknolohiya sa pagpoproseso ng mechanically deboned chicken meat, ang imported na produkto na mahirap gawin o i-produce dahil sa kawalan nila ng pasilidad.

Kasabay nito, hinikayat din nito ang gobyerno na mas palawakin pa ang merkado ng mga lokal na produktong manok at baboy sa pamamagitan ng pag-i-export nito sa Japan, South Korea at iba pang bansa kung saan malaki ang gastos sa produksyon.

Dapat rin aniyang bantayan ang importasyon ng pork products para maharang at di makapasok sa bansa ang mga baboy na may nakakahawa at mabilis na kumalat na sakit tulad ng Asian swine fever na makapamiminsala sa pork industry ng bansa.

“Ang takot sa mga kontaminadong mga baboy mula sa Germany at Brazil ay isang panawagan para mas higpitan pa ng ating bansa ang mga requirement sa pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary clearances,” diin pa ni Marcos.

The post Imee sa mga Pinoy: 'Wag maging baliw sa imported! first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/imee-sa-mga-pinoy-wag-maging-baliw-sa-imported/)

Walang komento