Recent Posts

Breaking News

Imbes na bawas-distansya sa mga pasahero, dapat paramihin mga PUV na balik-pasada – Año

Inulit ng co-chair ng National Task Force against COVID-19 ang pananaw ng isang transport group head na sa halip na iklian ang distansya sa pagitan ng mga pasahero sa public utility vehicles (PUV) ay dagdagan na lang ang masasakyang PUV habang may anti-coronavirus quarantine.

Wika pa ni Interior Secretary Eduardo Año, gusto man niya na panatilihin ang 1-metrong pagitan sa physical distancing–na nirekomenda ng World Health Organization para makaiwas sa virus–ay “kolektibong desisyon” umano ang pagbabawas ng distansya sa mga commuter.

“Personally, I’d like to abide by the 1 meter standard,” banggit ng kalihim sa ANC ngayong Lunes, Setyembre 14.

“If we can actually provide more transport to our people rather than reducing the distance,” dagdag niya pa.

Una nang pinahayag ni Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) president Efren De Luna ang katulad na pananaw kay Año.

“Bakit nagkakaroon agad tayo ng pagluluwag sa (physical) distancing ngayong marami pa namang ibang nag-aabang na payagang tumakbo at may prangkisa at nag-aabang na makapaglingkod sa mga pasahero?,” sabi pa ni De Luna.

Binanggit ni Año na hindi siya nakadalo sa pulong kung saan naaprubahan ang palisiyang bawas-distansya, pero pinahayag aniya niya ang kanyang saloobin.

Dagdag niya, naapruba man ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang panukala ng Department of Transportation, ihahain pa raw ng Department of Health ang “argumento” nito sa IATF sa Martes.

“That is subject to further discussion especially because the health sector is going to present their argument tomorrow,” wika pa ng kalihim.

Simula ngayong araw ay magiging 0.75 meter na lang ang pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan tulad ng tren, jeep at iba pa, sa mga susunod na linggo ay bababa pa ito sa 0.5 at 0.3 meters.

The post Imbes na bawas-distansya sa mga pasahero, dapat paramihin mga PUV na balik-pasada - Año first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/imbes-na-bawas-distansya-sa-mga-pasahero-dapat-paramihin-mga-puv-na-balik-pasada-ano/)

Walang komento