Recent Posts

Breaking News

‘Imbes iklian ang social distancing, dapat paramihin ang mass transport na balik-pasada’

“Bakit nagkakaroon agad tayo ng pagluluwag sa (social) distancing ngayong marami pa namang ibang nag-aabang na payagang tumakbo at may prangkisa at nag-aabang na makapaglingkod sa mga pasahero?”

Usisa ito ni Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) president Efren de Luna sa isang panayam sa DZBB ngayong Linggo.

Ginawa niya ang pahayag matapos ianunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na bababaan ang sukat ng distansya sa pagitan ng mga pasahero ng public transport para paunti-unti nang dadami ang bilang ng mga pwedeng sumakay sa loob ng mga ito.

Mula sa isang metro ay ibababa na sa 0.75 meters ang distansya sa pagitan ng mga pasahero, at inaasahang bababa pa ito hanggang 0.5 meters matapos ang dalawang linggo, at 0.3 meters sa karagdagang dalawang linggo.

Magsisimula ang bagong patakaran sa Lunes, Setyembre 14.

Punto ni De Luna, sa 1,800 pang traditional jeepney na pinahintulutan nang rumonda ng DOTr ay 30 porsiyento lang ang babiyahe.

Ang mga natira aniya ay nagsibalikan na sa kani-kanilang lalawigan dahil sa hagupit ng suspensyon sa kanilang hanapbuhay.

“Kahit hindi naman magkaroon ng tinatawag natin na pagluwag (sa social distancing nang) paunti-unti, dahil may mga natira na (tsuper na) hindi pa binibigyan ng pagkakataon na sila ay makalabas na,” wika ng ACTO head.

“Kung kulang ‘yan, bakit ka kailangan magbigay (ng pagluluwag sa distancing) samantalang meron pa namang marami na ruta na kailangan bigyan ng pagkakataon na makatakbo?,” aniya pa.

The post 'Imbes iklian ang social distancing, dapat paramihin ang mass transport na balik-pasada' first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/imbes-iklian-ang-social-distancing-dapat-paramihin-ang-mass-transport-na-balik-pasada/)

Walang komento