Recent Posts

Breaking News

Higit 100 e-trike tengga sa Muntinlupa

Maaring nabubulok na ang 117 e-trikes na nakaburo lang sa motorpool ng Muntinlupa City at kinuha nito sa Department of Energy noong 2018.

Ang mga ito ay ipampapalit dapat sa mga tricycle na bumibiyahe sa nasabing lungsod.

Sabi ng Commission on Audit, ang mga e-trikes na pinamahagi ng DOE sa mga local government units ay nagkakahalagang P463,040.3 ang isa kayat P54.2 milyon ang halaga ng e-trikes na nakatengga lang sa Muntinlupa City.

Ang pambili sa e-trikes ng DOE ay inutang pa sa Asian Development Bank. Nung panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III, $3,678 o P183,920 lamang ang halaga dapat ng bibilhing e-trike. Inamenda ng administrasyong Duterte ang kasunduan sa ADB at binawasan ang dami ng kukuning mga e-trike at ginawa ding mas mahal. Sa unang kasunduan, 100,000 ang e-trikes na bibilhin dapat sa halagang P183,920. Sa inamendang kasunduan, 3,000 na e-trikes na lamang ang bibilhin sa halagang $7,481.77 ang isa o P374,088 ngunit mas mahal pa rin ang e-trikes na binili ng DoE.

Ayon sa COA, 2018 pumirma ng kasunduan ang Muntinlupa sa DOE para sa 150 e-trikes na ipamamahagi nito dapat sa iba’t ibang mga barangay sa lungsod para maging kapalit ng mga bumibiyaheng tricycle sa lungsod at para magamit ng mga opisyal ng mga barangay pag lumilibot sa lungsod para sa official business.

“To date, there are still 117 stored E-trikes at the City’s Motor Pool since November 8, 2018. The long period of time that the E-trikes were not distributed to qualified beneficiaries poses a risk to the condition of the E-trikes as daily equipment checks on the units as mentioned in the deployment plan are needed,” sabi ng CoA.

Ayon sa 2018 Memorandum of Agreement ng Muntinlupa at DOE, ang mga e-trikes ay dapat maging pampublikong transportasyon sa mga barangay doon. Sabi ng COA, pinatest drive ang mga e-trikes sa tricycle drivers nang nagkaprograma para sa libreng sakay ang Muntinlupa ngunit hindi pa rin ito bumenta sa mga TODA dahil sapat na charging stations na itinayo at masyadong matagal para sa kanila ang apat na oras na charging imbis na bumibiyahe sila at kumikita. Dagdag pa rito ang reklamo na basta basta na lang nadidiskarga ang baterya ng mga e-trikes kaya ayaw ito ng tricycle drivers.

Dahil tinanggihan ito ng TODA, pinamahagi na lamang ito sa iba.

Ayon sa COA, binigay ang 33 e-trike sa hindi tamang beneficiaries.

Sa 33 e-trikes, 20 ang ibinigay sa Barangay Ayala na Ayala Alabang ang sakop. Tig-dalawang e-trikes naman ang ipinamahagi sa barangay Tunasan, Poblacion, Buili, Sucat, at Cupang. Dalawang e-trikes ang ibinigay sa Sangguniang Kabataan at isa ang ibinigay sa City Prosecutor.

Sabi ng COA, hindi pa rin kinikilala sa libro ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa na tinanggap na nito ang 150 e-trikes kahit pa November 2018 pa ito nakuha. Ayon sa COA, hindi rin kasi nakukuha pa ng Muntinlupa Traffic Management Bureau ang Property Transfer Report na sa DoE dapat manggagaling. Dahil dito, hindi makwenta ng COA ang halaga ng 150 e-trikes at hindi ito mailagay sa libro ng lungsod.

The post Higit 100 e-trike tengga sa Muntinlupa first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/higit-100-e-trike-tengga-sa-muntinlupa/)

Walang komento