Recent Posts

Breaking News

Gatchalian: Hunyo gawing ‘National Frontliners’ Month’

Tinutulak ni Senador Sherwin Gatchalian ang panukalang batas na layong ideklara ang buwan ng Hunyo bilang ‘National Frontliners’ Month.’

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1775 o ‘The National Frontliners Month Act’, kilalanin ang kontribusyon mbag at kabayanihan ng mga frontliners sa pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng mga pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangunahing pangangailangan sa panahon ng sakuna, kalamidad, at iba pang uri ng pinagdaraanang krisis.

“Bilang pagpupugay at pagpapahalaga sa kabayanihan ng ating mga frontliners, isinusulong nating kilalanin ang kanilang mga sakripisyo sa pamamagitan ng isang pormal na pagdiriwang tuwing buwan ng Hunyo, kung saan kinikilala rin natin ang mga nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating kalayaan,” ayon kay Gatchalian.

“Nararapat lamang na ipakita natin sa ating mga bagong bayani ang pinakamataas na pagkilala lalo na’t sila ang nangunguna sa ating laban sa pandemyang dulot ng COVID-19,” dagdag pa nito.

Kabilang sa frontline workers na layong kilalanin ng naturang panukala ang mga healthcare workers, food delivery drivers, mga empleyado sa supermarket at mga kainan, gwardya, kawani ng mga lokal na pamahalaan, social workers, manggagawa sa agrikultura, mga pulis, at mga sundalo.

Kasama rin sa mga kikilalanin ay ang mga logistics workers, storekeepers, mga kolektor ng basura, empleyado ng bangko, kawani ng media, at mga empleyado sa utilities tulad ng tubig at kuryente.

Sabi ni Gatchalian, isinasakripisyo ng mga naturang manggagawa ang kanilang kalusugan upang mapanatili ang kaligtasan ng bansa at pagktakbo ng ekonomiya sa kabila ng banta ng COVID-19.

Aniya, kailangang patuloy ang pagkilala sa mga frontline workers na itinuturing na mga bayani sa panahon ng pandemya.

Sabi pa ng senador, isasabay ang panukalang ‘National Frontliners Month’ sa pagdiriwang ng kasarinlan ng bansa, kung saan inaalala ang sakripisyo ng mga bayaning lumaban sa pananakop ng mga dayuhan.

Sa ilalim ng naturang panukala, ang Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay makikipag-ugnayan sa Civil Service Commission (CSC) at iba pang ahensya ng gobyerno upang magsagawa ng mga programang pararangalan ang mga frontline workers.

Pararangalan din sa mga programang ito ang kahusayang ipinakita ng mga lokal na pamahalaan, kabilang ang mga opisyal at empleyado ng mga barangay, sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.

The post Gatchalian: Hunyo gawing ‘National Frontliners’ Month’ first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-hunyo-gawing-national-frontliners-month/)

Walang komento