Recent Posts

Breaking News

DTI: Mga nagbebenta online lumobo sa 4,000%

Sumirit ang bilang ng mga online merchant o mga nagsasagawa ng negosyo sa pamamagitan ng internet sapul nang magkaroon ng COVID-19 pandemic at magpatupad ng lockdown ang gobyerno.

Sa pagdinig sa Senado, inihayag ni Trade Secretary Ramon Lopez na simula Enero 1 hanggang Marso 15, nasa 1,750 lamang ang nagparehistrong online seller sa DTI.

Subalit mula Marso 16 hanggang Agosto 31, umabot sa 73,000 ang nag-apply para sa business name registration sa DTI.

“We now have a total of 75,029 online businesses registered. This is over a 4,000-percent increase,” pahayag ni Lopez sa komtie.

Kasabay nito ang pagtaas din ng bilang ng mga reklamo sa mga transaksiyon sa online. Noong 2019, may naitalang 2,500 reklamo ang DTI at nitong Agosto 31 umabot ang reklamo sa online transaction sa 12,000.

Sabi ni Lopez, ang paglobo ng reklamo at bunsod na rin sa dami ng online transaction sa kasalukuyan.

“The quadruple increase of this is attributed to the surge of online transactions due to the COVID-19 pandemic,” ani Lopez.

Tinanong ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel, chairman ng Senate committee on trade and commerce ang DTI kung natutugunan nito ang mga reklamo natatanggap nila.

Sagot naman ni Lopez, mabilis nilang tinutugunan ang mga reklamo pero hindi naman lahat dahil hindi nila sakop ang lahat kaya pinapaubaya nila ito sa ibang ahensya tulad ng Food and Drug Administration kung food related at NTC ang isyu ay tungkol sa telecommunications.

Dininig ang panukalang Internet Transactions Act sa Senado para maprotektahan ang mga namimili at nagtitinda ng iba’t ibang produkto sa pamamagitan ng internet transaction sa pamamagitan ng pagbuo ng E-commerce bureau.

“Because of the explosion in online trading and online entrepreneurship, it also gave rise to unscrupulous and abusive traders exploiting this new venue of trading,” giit ni Senador Sherwin Gatchalian.

Isa pa sinita ni Gatchalian ay kung bakit hindi pa rin fully online ang pagpaparehistro ng online business at kailangan pang pumunta sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Paliwang ni Lopez, fully online na umano ang pagpaparehistro ng negosyo at aabutin lamang ito ng walong minuto.

The post DTI: Mga nagbebenta online lumobo sa 4,000% first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dti-mga-nagbebenta-online-lumobo-sa-4000/)

Walang komento