Recent Posts

Breaking News

‘Di kami kinonsulta! Buksan mga ruta kaysa bawas-distansya – 17 alkalde

Riley Cea

Kung ang physical distancing standard ang pag-uusapan, dapat umanong pangibabawin ang pagprotekta sa kalusugan ng mga Pinoy kaysa pagpapanumbalik ng ekonomiya na hinagupit ng coronavirus pandemic.

Ayon ito sa lahat ng 17 alkalde ng Metro Manila, na nananawagan ngayon na huwag iklian ang distansya sa pagitan ng mga pasahero ng public utility vehicles (PUV).

Ang dapat na gawin, ayon sa pinuno ng Metro Manila Council at alkalde ng Parañaque na si Edwin Olivarez, ay pabalikin sa pamamasada ang mga traditional jeepney driver na nahinto sa operasyon nang kalahating taon dulot ng community quarantine.

“Tama po yung direksiyon natin but this is not the right time to implement this. Kailangan lang buksan natin ang mga ruta natin,” wika ni Olivarez.

“Hindi magiging consistent ‘yung ating messaging sa mga tao. Sa labas ng PUV pinai-implement natin is 1 meter ‘yung ating distancing. Ta’s pagdating sa [loob ng] PUV, it will be 0.75 naman. Hindi ho natin puwedeng i-sacrifice ‘yung health protocol kasi kailangang-kailangan natin ang physical distancing,” dagdag niya pa.

Hindi rin aniya kinonsulta ang MMC ukol sa polisiyang bawas-distansya na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) at pinatupad na simula noong Lunes.

“Kailangan po sigurong pag-aralang mabuti ng ating mga health experts kung ‘yun pong 0.75 is enough,” sabi pa ng MMC chairperson.

Umpisa nang Lunes, Setyembre 14, mula sa isang metro ay naging 0.75 meter na lang ang pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan tulad ng tren, jeep at iba pa. Sa susunod na tig-dalawang linggo ay bababa pa ito sa 0.5 at 0.3 meters.

Maraming doktor at iba pang eksperto ang nagsabi na ang bawas-distansya ay posibleng magdulot ng dagdag na COVID-19 cases.

The post 'Di kami kinonsulta! Buksan mga ruta kaysa bawas-distansya - 17 alkalde first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/di-kami-kinonsulta-buksan-mga-ruta-kaysa-bawas-distansya-17-alkalde/)

Walang komento