Recent Posts

Breaking News

Bilang ng pwedeng pasahero sa MRT-3 tataas

Dahil bababaan ang sukat ng distansya sa pagitan ng mga pasahero ay paunti-unti nang dadami ang bilang ng mga pwedeng sumakay sa loob ng tren ng MRT-3 simula Lunes, Setyembre 14.

Kasunod ito ng pag-apruba ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa panukala ng Department of Transportation (DOTr) at Economic Development Cluster (EDC) na paramihin ang rider capacity ng mass transport sa pamamagitan ng pagbaba ng sukat ng distansya sa pagitan ng mga pasahero.

Ibig sabihin, mula sa dating 153 pasahero sa isang train set, o 51 kada bagon, tataas ito patungong 204 pasahero sa isang train set, o 68 kada bagon.

Mula sa isang metro ay ibababa na sa 0.75 meters ang distansya sa pagitan ng mga pasahero, at inaasahang bababa pa ito hanggang 0.5 meters matapos ang dalawang linggo, at 0.3 meters sa karagdagang dalawang linggo.

“Magiging malaking tulong para sa mga pasahero, kabilang ang mga nagtatrabaho, ang pagtataas ng kapasidad ng ating mga tren. Mas maraming commuters na ang maseserbisyuhan ng MRT-3,” ani MRT-3 Director for Operations Michael Capati, Setyembre 11.

Ang takdang pagdami ng passenger capacity ng mga tren ay suportado umano ng datos mula sa sinagawang physical simulation.

Sa ngayon, may 19 train set na tumatakbo sa linya ng MRT-3 araw-araw. Kabilang dito ang 16 CKD train set at 3 Dalian set.

The post Bilang ng pwedeng pasahero sa MRT-3 tataas first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bilang-ng-pwedeng-pasahero-sa-mrt-3-tataas/)

Walang komento