Recent Posts

Breaking News

Badoy, Gaite nagsabong sa red-tagging, pork barrel

“Walang pork barrel na hindi malalantad,” – ang tugon ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite sa makaulit na pahayag ni Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy na hindi mga mambabatas ang nasa Makabayan Bloc kundi “high-ranking members” ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Sa isang Facebook post ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), Setyembre 5 ng gabi, sinabi ni Badoy na dapat alisin na ng Makabayan Bloc ang “maskara” ng pagiging “legislator” dahil sangkot umano ang mga ito sa pagbibigay-instruksiyon sa mga kasapi ng CPP.

Pinangalanan ni Badoy sina Gaite at ang iba pang kasapi ng Makabayan Bloc na sina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate at Eufemia Cullamat, Kabataan Rep. Sarah Elago, Gabriela Rep. Arlene Brosas, at ACT-Teachers Rep. France Castro.

“Makabayan Bloc representatives must therefore strip themselves of all their pretenses and take away their masks of ‘LEGISLATOR’ and tell the Filipino people who it is they truly are and what it is they truly aim for,” ayon kay Badoy, na siya ring tagapagsalita ng NTF-ELCAC.

“That they are high ranking party members of the Communist Party of the Philippines that directly guides and gives explicit and implicit instructions to its armed component, the New People’s Army, and to its legal fronts under the umbrella of the National Democratic Front,” aniya pa.

Sabi naman ni Gaite, posibleng nag-ugat itong pahayag ni Gadoy sa pagsisiyasat ng Makabayan Bloc sa pagsisingit ng umano’y pork barrel funds sa 2021 national budget.

Inusisa rin ng kongresista kung bakit naglalaan ng pondo para sa NTF-ELCAC at hindi para sa mga frontliner na nangunguna sa paglaban sa pandemyang COVID-19.

“Ang tatakaw nila sa pondo, hindi naman nila maipaliwanag kung saan napunta o kung nagamit ba sa wasto. Kagaya noong P1.83 million na unliquidated meal expenses ng PCOO,” sambit ni Gaite, Setyembre 6 ng hapon.

“Nasukol na naman sila ng maaga kaya sila naghuhuramentado. Malinaw na gusto talaga nilang ilusot itong pork barrel ng mga heneral sa 2021 Budget,” aniya pa.

Tiniyak naman ni Gaite na patuloy nilang gigisahin ang panukalang pambansang badyet kahit na makaulit silang maging biktima ng red-tagging o ang pagbansag sa mga kritiko ng gobyerno bilang “komunista” o “terorista”.

“This vilification campaign led by the NTF-ELCAC, which we expect to intensify further in the coming days, would not stop us from scrutinizing every penny, every nook and cranny of the 2021 National Expenditure Program,” sambit ng kongresista.

“Walang pork barrel na hindi malalantad. Walang pag-aaksaya ng pondo ng bayan na hindi namin tututulan. This is what we swore to do as representatives of the marginalized. Tawagin man kaming kung anu-ano nitong si Badoy, hindi namin bibitiwan ang tungkuling iyan,” saad niya pa.

The post Badoy, Gaite nagsabong sa red-tagging, pork barrel first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/badoy-gaite-nagsabong-sa-red-tagging-pork-barrel/)

Walang komento