Recent Posts

Breaking News

748 private school tigil-operasyon dahil sa COVID-19 – DepEd

Nababahala si Senador Sherwin Gatchalian sa dumaraming bilang ng mga pribadong paaralan na hindi muna magbubukas ngayong school year.

Sa datos ng Department of Education (DepEd), noong Setyembre 10, mahigit 748 pribadong paaralan ang hindi muna magpapatuloy ng operasyon dahil sa naging pinsala ng COVID-19 pandemic.

Apektado dito ang 3,233 mga guro at mahigit 40,345 mag-aaral.

Pagkalipas lamang ng dalawang araw, umakyat sa 846 agad ang bilang ng mga pribadong paaralang titigil muna ng operasyon.

Kaya ngayong isa nang ganap na batas ang Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2, itinutulak ni Gatchalian ang agarang pagmamahagi ng ayuda sa mga guro at non-teaching personnel na nawalan ng trabaho.

Sa datos ng DepEd nitong Setyembre 11, 2,050,797 pa lamang ang nag-e-enroll sa mga pribadong paaralan, wala pa sa kalahati (47.63 porsyento) ng mahigit apat na milyong (4,304,676) mag-aaral sa pribadong sektor noong nakaraang SY 2019-2020.

Sa ilalim ng Bayanihan 2, may P300 milyon nakalaan para sa one-time cash assistance na ipapamahagi sa mga apektadong guro at non-teaching personnel ng mga pribado at pampublikong paaralan sa lahat ng antas.

Kabilang dito ang mga part-time faculty at non-permanent teaching personnel, pati na rin ang part-time faculty ng mga State Universities and Colleges o SUCs.

May P600 milyon namang inilaan ang Bayanihan 2 para sa ayudang ipamamahagi sa mga mag-aaral na naapektuhan ng lockdown ngunit hindi nakatatanggap ng tulong pinansyal mula sa mga kasalukuyang programa ng pamahalaan.

Ayon kay Gatchalian, dapat magkaroon ng DepEd ng database upang maging maayos ang pamamahagi ng ayuda.

Ang pagkakaroon ng database ay makakatulong sa DepEd na punan ang kinakailangang bilang ng mga guro at kawani, kabilang ang mga tutors at para-teachers sa distance learning.

Sa talaan ng National Expenditure Program 2021, mahigit apatnapu’t tatlong libo (43,780) sa halos isang milyong (976,520) posisyon sa DepEd ang kailangan pang punan.

“Ngayon at ganap nang batas ang Bayanihan 2, dapat siguruhin nating agarang maipaabot sa ating mga guro at kawaning nawalan ng trabaho ang ayuda mula sa pamahalaan” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

The post 748 private school tigil-operasyon dahil sa COVID-19 - DepEd first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/748-private-school-tigil-operasyon-dahil-sa-covid-19-deped/)

Walang komento