Recent Posts

Breaking News

Wala silang kasalanan kaya lumuhod ako – Duterte

Pinaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte na para sa mga sundalo at iba pang nasawi sa magkasunod na pagsabog ang ginawa niyang pagluhod at paghalik sa lupa nang puntahan ang pinangyarihan ng terror attack sa Jolo, Sulu nitong Linggo ng hapon.

Nagsalita ang Pangulo sa harap ng mga sundalo na kanyang binisita sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista headquarters sa Jolo at sinabing hindi man lamang nakapagdasal ang mga biktima bago sila nasawi dahil sa magkasunod na insidente ng pambobomba sa Brgy. Walled City sa Jolo.

“Walang kasalanan kaya ako lumuhod, hinalikan ko `yong lupa kasi hindi lang man nakapagtawag `yong `Allah, I commit my…’ o nakapag-sign of the cross before dying,” ayon sa Pangulo.

Kasabay nito, nangako si Pangulong Duterte na gagawin niya ang lahat sa natitira pang dalawang taon ng kanyang termino para matupad ang misyon ng mga sundalo sa Jolo laban sa mga terorista.

“Bilang isang Pilipino ibibigay ko sa inyo ang lahat ng suporta na kailangan ninyo para matupad ang inyong misyon dito sa Jolo. I commit myself to work with you my dear troops to ensure that these terrorists will have no future in this country,” sabi ni Pangulong Duterte.

Aminado naman ang Pangulo na mahirap ayusin ang kaguluhan o labanan sa Mindanao dahil sa malaking sugat na umano ang nilikha nito.

“May dalawang taon pa ako, ewan ko kung ano ang magawa ko talaga. But you know when you go into a fighting may galit na ‘yan. Mahirap ito aregluhin kasi lahat may sugat na sa puso. And it would take more than a generation to do this,” ayon pa kay Pangulong Duterte.

The post Wala silang kasalanan kaya lumuhod ako – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/wala-silang-kasalanan-kaya-lumuhod-ako-duterte/)

Walang komento