Recent Posts

Breaking News

VP Leni kay Briones: Mass testing sa mga guro, internet hub itayo

Ipinarating ni Vice President Leni Robredo kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones ang mga isyung may kinalaman sa kaligtasan ng mga guro at kahandaan para sa maayos na pagpapatupad ng blended learning ngayong mayroon pang pandemya.

Sa kanyang liham kay Briones na may petsang Agosto 10, inilahad ni Robredo ang aniya’y mga feedback at suhestiyon na kanyang natatanggap habang nagsasagawa sila ng COVID-19 operation, mula sa iba’t ibang sektor.

Kabilang aniya dito ang mga education expert at advocate gayundin ang mga guro, magulang at mismong mga mag-aaral na nag-aalala hinggil sa pagbabalik eskuwela.

Sa Agosto 24 na ang balik eskuwela sa mga pampublikong eskuwelahan subalit dahil na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ay walang magaganap na face-to-face classes hangga’t wala pang bakuna sa COVID-19.

Batay sa kanyang mga natanggap na feedback at suhesityon, inilatag ni Robredo kay Briones ang mga isyu at mga mungkahi ng kanyang tanggapan sa paghahanda sa papalapit na pasukan.

Narito ang mga punto ni Robredo sa kanyang liham kay Briones:

*Ilang guro ang nagsabi na wala pa silang natatanggap na module para sa distance learning. Tinatanong din kung sino ang sasagot ng gastusin para sa printing, reproduction at distribusyon ng mga module.

*Base sa datos aniya, nasa 61% o 14 milyong household ang walang internet acess. Nasa 74% o 34,700 na mga eskuwelahan naman ang walang infrastructure para sa online learning.

*Mayroong DepEd Commons learning platform para sa mga estudyante subalit batay aniya sa natanggap nilang ulat, nasa pitong milyong mag-aaral lamang ang nag-subscriber nito. Ito’y binubuo lamang ng 35% ng tinatayang 20 milyong estudyante sa mga pampublikong eskuwelahan sa buong bansa.

*Mungkahi ni Robredo na magtayo ng internet hub sa mga eskuwelahan at mga pamayanan para matugunan ang suliranin sa internet access.

*Magkaroon ng mass testing para sa mga guro bago pa magsimula ang blended learning para matiyak ang kaligtasan ng mga ito na magsisilbi ring mga frontliner sa pasukan ngayong may pandemya.

*Maglaan ng sapat na pondo para sa physical check-up at kinakailangang gamot ng mga guro.

*Tiyaking may tamang gamit sa pagbabalik eskuwela ang mga guro katulad ng supply ng Personal Protective Equipment (PPE), hand sanitizer, at iba pang protective equipment.

*Siguruhing regular at on-time na matatanggap ng mga guro ang kanilang hazard pay.

*Magkaroon ng mekanismo para sa transparency upang maging bahagi rin ang mga guro sa “consensus-building process” ng DepEd para maunawaan din ng mga ito ang mga kinakaharap na hamon sa ngayon ng kagawaran.

*Mayroong P29.5 bilyong pondo na inilaan para sa rehabilitasyon ng mga paaralan ngayong 2020. Subalit dahil face-to-face classes ay wala ring mga estudyante na ookupa ng mga paaralan kaya maaari aniyang gamitin ang pondong ito para ipambili na lamang ng mga kinakailangang gadget at equipment para sa distance learning at upang tugunan ang health concern ng mga guro.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/vp-leni-kay-briones-mass-testing-sa-mga-guro-internet-hub-itayo/)

Walang komento