Recent Posts

Breaking News

‘Utang ng mga magsasaka ‘wag nang pabayaran’

Hindi na dapat pabayaran sa mga magsasakang benepisyaryo ng repormang pang-agraryo ang kanilang utang nang sa gayon ay makaagapay sila at masiguro ang ating suplay ng pagkain ngayong nasa kasagsagan tayo ng laban kontra sa COVID-19.

Ito ang sinabi ni Senadora Imee Marcos, chairman ng Senate Comittee on Economic Affairs, matapos nitong itulak sa Bayanihan to Recover As one ACT (Bayanihan 2) ang probisyon para hindi na bayaran ng mga magsasaka ang principal amount, interes, at mga penalty sa mga inutang na pambili ng lupang sakahan, ayon sa Banking law at regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

“Masisiguro ng mga magsasaka na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa sa panahon ng pandemya kung tutulungan natin sila,” pahayag ni Marcos, miyembro ng conference committee na nakatalagang pag-isahin ang dalawang bersyon ng Senado at Kamara sa Bayanihan 2.

“Nagulo ng pandemya ang suplay ng pagkain sa bansa at lalo pang nabaon sa utang ang ating mga magsasaka dahil sa pagkaantala ng mga biyahe para sa pagbenta ng mga inani nilang produkto dahil sa mga ipinatutupad na community quarantine,”dagdag pa nito.

Ayon sa senadora, kapag hindi na pinagbayad ang mga magsasaka sa kanilang mga loan, pwede na ulit silang makautang sa gobyerno para masigurong mamimintina at mapapalago pa ang kanilang mga ani ngayong pandemya.

Bukod diyan, ani Marcos, dapat ding isyuhan ng Land Bank of the Philippines ng sertipikasyon para maka-avail sa mga lending program ng gobyerno.

Nirekomenda pa ng mambabatas na alisin na ang mga espisipikong legal na isyu sa pag-aari ng lupa at mga pabigat na mga requirement sa pag-aari ng lupang sakahan na ipinauutang ng pamahalaan.

Sabi ng senador, bagamat nahigitan ng LBP ang isinasaad ng batas na kahit 10% ng kabuuang loan ng bangko ang dapat ay mapunta sa mga magsasaka, bumaba naman ang mga kumuha ng loan nitong 2019 sa 6.4% kumpara sa 21.1% noong 2018.

Batay sa datos ng Department of Finance at taunang report ng LBP para sa 2018, lumabas na dumami ang mga nag-apply ng loan sa mga magsasaka mula P183.4 bilyon noong 2017 ay umakyat pa ng P222 bilyon noong 2018 pero bumagal pagpasok ng 2019 sa P236.31 bilyon.

Bukod dito, ayon kay Marcos, ang porysento ng kabuuang loan ng LBP na napunta sa mga magsasaka ay bumaba mula 27.8% noong 2018 sa 26.5% nitong 2019.

“Kailangan na lang plantsahin para maisingit ang probisyon na hindi na pagbabayarin ng kanilang mga utang ang mga magsasakang benepisaryo ng repormang pang-agraryo,” sabi pa ni Marcos.

The post 'Utang ng mga magsasaka 'wag nang pabayaran' first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/utang-ng-mga-magsasaka-wag-nang-pabayaran/)

Walang komento