Recent Posts

Breaking News

Telco tower permit 241 araw dati ginawang 16

Pinabilis ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang proseso ng pagkuha ng permit sa mga lokal na pamahalaan para sa pagtatayo ng tower ng mga telecommunication company.

Inilahad ni DILG Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte na batay sa utos nito ay kanilang inimbentaryo lahat ng LGU kung saan mayroong nakahain na aplikasyon para sa pagtatayo ng mga tower ngayong taon.

“Limampu’t limang probinsiya at 25 cities, so bale 80 LGUs. Total po ay 1,930 applications. Na-approve na po ay 1,502.

Ang natira na lang po ay 428 na pending application at ito po ay babantayan namin para siguradong hindi po magtatagal dahil sa lumang sistema,” sabi ng kalihim.

Nabatid kay Año na inaabot ng 241 araw, 19 permit ang inaayos at mayroon pang 86 document requirements bago makapagpatayo ng tower ang isang telco upang mapalakas ang signal ng kanilang serbisyo.

Binago na umano nila ang sistema para mapabilis ang pag-aapruba ng mga aplikasyon ng telco.

“Ngayon po sa ating bagong sistema po na ipinapapatupad ninyo, 16 na araw na lang, 16 days, at walong permit na lang po ang kailangan, requiring 35 documents,” sabi ni Año.

“So sa loob po ng susunod na linggo ay babantayan ko itong mga pending na ito at sisiguraduhin po natin na dapat maaprubahan at kung hindi man, dapat malaman natin ang dahilan bakit hindi naaprubahan. So bibilis po ‘yung ating proseso sa application ng telcos,” dagdag pa ng kalihim.

Matatandaang isinumbong mismo ng isang telco company kay Pangulong Duterte ang kanilang problema sa mahabang proseso ng pagkuha ng permit para lang makapagtayo ng tower.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/telco-tower-permit-241-araw-dati-ginawang-16/)

Walang komento