Recent Posts

Breaking News

Sotto sa PNP: Anti-Terror Law epektibo kahit walang IRR

Pinaalalahanan ni Senate President Vicente Sotto III ang Philippine National Police na ‘in effect’ na ang Anti-Terror Law sa gitna na diskusyon kung dapat bang ibalik ang martial law sa Sulu kasunod ng kambal na pagsabog sa nasabing lalawigan noong Lunes.

“Attention PNP – the Anti Terror Law is in effect, with or without IRR! Ano hinihintay? Pasko?” pahayag ni Sotto sa kanyang Twitter post.

Nauna nang sinabi ni Sotto na ‘executory’ na ang Anti-Terrorism Act na isinabatas pa noong nagdaang buwan.

“Batas na ‘yun. Hindi kailangan ng IRR doon. Kung gusto nila gumawa ng IRR, go ahead pero executory immediately ‘yung batas kaya huwag na nilang sabihing hihintayin nila IRR,” sabi ni Sotto sa panayam noong Miyerkoles sa radyo.

Una rito, inirekomenda ni Philippine Army chief Lieutenant General Cirilito Sobejana na ilagay ang Sulu sa ilalim ng batas militar kasunod ng nangyaring insidente ng pambobomba na ikinasawi ng 15 katao at ikinasugat ng maraming iba pa.

Sinabi naman ni Philippine National Police spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, lalong lalakas ang implementasyon ng anti-terror law kung magpapatupad ng martial law sa nasabing lalawigan.

Subalit giit ni Sotto, hindi na kailangan pa ito dahil meron na ngang anti-terror law na siyang solusyon sa problema ng terorismo sa bansa.

Sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020, sinumang mapatunayan sa korte na guilty sa pagsasanay, pagpaplano, paghahanda at pagsasagawa ng terorismo ay mapaparusahan ng habambuhay na pagkakakulong na walang parole.

Samantala, hinikayat naman ni Senador Panfilo Lacson, principal sponsor ng Anti-Terror Law, ang kaukulang ahensiya ng gobyerno na madaliin ang paglabas ng IRR ng naturang batas.

“Ang kailangan lang dito madaliin ang IRR [ng Anti-Terror Law] para sa ganoon ang impetus ng ating law enforcement pati ng military naroon na, pati ang kanilang kumpiyansa, dahil protektado sila ng batas,” sabi ni Lacson.

The post Sotto sa PNP: Anti-Terror Law epektibo kahit walang IRR first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sotto-sa-pnp-anti-terror-law-epektibo-kahit-walang-irr/)

Walang komento