Recent Posts

Breaking News

Sotto binara si Morales: PhilHealth hindi kailangan ng ‘Superman’

Sinita ni Senate President Vicente Sotto III si Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) president Ricardo Morales kaugnay ng pahayag ng huli na kahit si “Superman” ay hindi kayang alisin ang katiwalian sa ahensiya.

“Tanggalin mo lahat ng corrupt, hindi kailangan si Superman!”pahayag ni Sotto, sa kanyang tweet.

Ginawa ni Sotto ang pahayag matapos sabihin ni Morales sa panayam sa radyo na kahit si Superman ay hindi kayang talunin ang korapsiyon sa PhilHealth.

“Kahit si Superman paupuin mo dito, baka hindi niya kaya,” pahayag ni Morales sa panayam sa Teleradyo.

Pero sabi ni Sotto, kung seryoso lang aniya si Morales alisin ang iregularidad sa PhilHealth, dapat noon pa niya ginawa sa pamamagitan ng pagsibak sa mga tiwaling opisyal sa ahensiya.

“If you are dead serious about ridding your office of corruption, you should bring the ax on day one,” sabi ni Sotto sa kanyang text message sa mga reporter.

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole noong Lunes, inamin ni Morales na “systematic” ang pandaraya sa PhilHealth at hindi kayang resolbahin sa loob lamang ng isang taon.

Si Morales, dating retired Army brigadier general, ay tinalaga ni Pangulong Rodrigo sa PhilHealth noong Hulyo 2019 sa layuning alisin ang katiwalian sa ahensiya.

Subalit matapos ang isang taon sa puwesto, inamin ni Morales sa pagdinig sa Senado noong Agosto 4 na wala pa siyang ni isang opisyal ng PhilHealth ang sinibak dahil sa pagkakasangkot sa katiwalian.

Sa kabila ng alegasyon ng korapsyon, buo pa rin ang tiwala sa kanya ni Duterte. Si Morales ay naghain ng leave of absence dahil sa kanyang medical condition. (Dindo Matining)



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sotto-binara-si-morales-philhealth-hindi-kailangan-ng-superman/)

Walang komento