Recent Posts

Breaking News

Senado, Kamara nagkasundo sa P162B pondo ng Bayanihan 2

Hinayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na gusto nilang gawing P162 bilyon ang alokasyon para sa panukalang Bayanihan to Recover As One Act, katulad ng panukala ng Kamara.

Bahagi si Drilon ng Senado sa bicameral conference committee para mag-reconcile sa mga hindi napagkasunduang probisyon sa bersyon ng Senado at Kamara sa panukalang Bayanihan 2 Law.

Sa ilalim ng bersyon ng Senado, P140 bilyon lamang ang inaprubahang alokasyon na mas mababa sa P162 bilyon ng Kamara.

Subalit sabi ni Drilon, nagkasundo ang Senado at Kamara sa bicam na gawing P162 bilyon ang pondo ng panukalang batas.

“Nagkakasundo ang dalawang panig na siguro dapat aabot tayo sa P162 billion. Pumapayag ang Senado na itaas ang total budget ng Bayanihan 2 sa P162 billion,” sabi ni Drilon sa panayam sa DZBB.

Sa ilalim ng panukala, P10 bilyon ang ilalaan paras a COVID-19 PCR testing, P15 bilyon para sa cash-for-work program para sa mga nawalan ng trabaho, P17 bilyon bilang cash subsidy sa kawani ng mga maliliit na negosyo at P50 bilyon para sa loan program ng gobyerno.

Mahigit sa P17 bilyon naman ang ilalagak sa agricultural sector, P12 bilyon sa transportation industry at P10 bilyon naman sa tourism industry.

Sa ilalim din ng Bayanihan 2, magbibigay ang gobyerno ng P5,000 hanggang P8,000 cash subsidy para sa mga mahihirap na pamilyang Pinoy.

“Meron ulit at kasama yan sa sinabi ko kanina, yung support program for impacted sector. Yung sa social amelioration, P5,000 to P8,000 depende kung saan, dito sa NCR o sa probinsiya ang bawat pamilya sa informal sector,” sabi ni Drilon.

Magbibigay din umano ng ‘one-time’ cash assistance para sa mga private school teacher.

Nagkasundo din ang Kamara at Senado na magbigay ng P15,000 cash assistance para sa mga health worker na may mild at moderate ng kaso ng COVID-18.

Pinasususpinde rin ang requirement para sapermit sa pagkakabit ng instalasyon at operasyon ng telecommunication towers sa susunod na tatlong taon.

Sa Lunes, Agosto 17, ipagpapatuloy ang bicam conference committee.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/senado-kamara-nagkasundo-sa-p162b-pondo-ng-bayanihan-2/)

Walang komento