Recent Posts

Breaking News

Roque inanunsyo mga lugar na GCQ epektibo August 16-31

Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang quarantine status ng ilang lugar sa bansa simula August 16 hanggang August 31, maliban sa National Capital Region o Metro Manila na si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang maghahayag.

Base sa inilabas na pahayag ni Roque nitong Sabado, inilagay ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) nitong Biyernes, August 14, ang mga lalawigan ng Nueva Ecija, Batangas, at Quezon sa Luzon, sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) na magsisimula bukas, August 16, hanggang August 31.

Kabilang din sa mga nasa GCQ ay ang Iloilo City, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City, at ang mga bayan ng Minglanilla at Consolacion sa lalawigan ng Cebu para sa Visayas region.

Sa pangkalahatan naman ay modified general community quarantine (MGCQ) kung saan ang ilang lalawigan, high-urbanize city at independent component city ay maaaring magpatupad ng mahigpit na “local action”.

“The National Task Force (NTF) and the Department of Interior and Local Government (DILG) are directed to ensure that areas flagged for local action shall implement strict lockdown of areas in line with the Zoning Containment Strategy, strict enforcement of minimum public health standards, and intensified tracing and quarantine of close contacts and isolation of confirmed cases,” ayon pa sa pahayag ni Roque.

Samantala, si Pangulong Duterte aniya ang mag-aanunsyo sa magiging community quarantine classification ng NCR, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal bago matapos ang MECQ sa mga nabanggit na lugar, sa Martes, August 18.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-inanunsyo-mga-lugar-na-gcq-epektibo-august-16-31/)

Walang komento