Recent Posts

Breaking News

Robredo: Parang wala nang namumuno

Hindi pambabatikos kundi realidad ng mga Pinoy ang kawalang-direksiyon, limang buwan mula nang harapin ng bansa ang pandemyang novel coronavirus.

Ito ang bitbit na sentimyento ni Vice President Leni Robredo sa kanyang mensahe sa bayan, Lunes.

Nabubuhay na rin aniyang may pangamba at walang kumpiyansa ang mga tao sa pamahalaan, gayong talamak ang mga paratang ng katiwalian sa gobyerno sa gitna ng pandemya.

“Lalo pa ngayong humaharap tayo sa pandemya, hindi nakakatulong ang mga gawaing lalong nagpapababa ng kumpiyansa. Paano ba naman magkakaroon ng kumpiyansa kung patuloy ang mga alegasyon ng korapsyon–sa mga overpriced na PPE set at ayuda, sa PhilHealth na inaasahan nating magbibigay sa atin ng sense of security sakaling magkasakit tayo? Paanong magkakaroon ng kumpiyansa kung ni hindi natin masiguro kung saan napupunta ang mga pondo?” usisa ni Robredo.

Sabi niya, handa naman daw ang mga Pinoy na kumilos–kaso walang direksyon na tinuturo ang mismong pamunuan.

“Paanong magkakakumpiyansa, kung sa tuwing magpe-presscon ang liderato, wala tayong linaw na mahinuha?”

“Malinaw na handang sumagwan ang lahat; ang kulang na lang, ‘yung magtututok sa atin sa dapat nating kapuntahan. ‘Yung magtitimon,” aniya pa.

Tila sapat na aniya sa gobyerno ang pagbibigay lang ng ayuda, tapos kapag nagkahawaan o may pumanaw dahil sa sakit ay ang madla pa ang sisisihin ng gobyerno.

“Hindi mahirap unawain ang sentimyento ng marami: na para bang walang timon, walang direksyon, walang malinaw na horizon kung kailan at paano masosolusyonan ang pandemya. Na para bang aabutan lang tayo ng kaunting ayuda, tapos bahala ka na, magkulong ka na lang sa bahay at mabuhay nang nangangamba,” ani Robredo.

“Nasa atin pa ang sisi kapag may nahawa o namatay—tayo pa ang pasaway. Na parang wala na tayong maaasahan sa mga pinuno — o para ba mismong wala nang namumuno,” dagdag niya.

Wika ng Bise, karapatan at tungkulin ng mga ordinaryong mamamayan na singilin ang mga hinalal nitong politiko ukol sa pagtugon–o hindi pagtugon–sa COVID-19 crisis.

“Hindi pagbabatikos ang pagbitbit ng mga sentimyentong ito: This is our reality. Karapatan at tungkulin natin to expect and demand more from our leaders.”

“Pero nitong nakaraang limang buwan, lalong luminaw ito–na tayo-tayo na rin nga lang ang iintindi sa isa’t isa. Ito mismo ang nagbibigay ng pag-asa sa akin sa mga panahong ganito: Walang dadaig sa Pilipino pagdating sa pag-intindi sa kapwa Pilipino,” aniya pa.

Sa ngayon, ang Pilipinas–na may pinakamatagal na coronavirus lockdown sa mundo–ang may pinakamataas na bilang ng COVID-19 cases sa buong Timog-Silangang Asya: 194,252 nahawa kabilang ang 132,042 gumaling at 3,010 yumao.

The post Robredo: Parang wala nang namumuno first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/robredo-parang-wala-nang-namumuno/)

Walang komento