Recent Posts

Breaking News

RevGov minaliit ng abugado ng Palasyo

Walang kahahantungan ang tinutulak na revolutionary government (RevGov) ng ilang pro-Duterte group lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Reaksiyon ito ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo matapos manawagan ang grupong supporter ng Duterte administration—ang Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC)—na ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RevGov.

Sinabi ni Secretary Panelo na masyado ng huli para sa isang revolutionary government dahil patapos na ang termino ng Pangulo.

“Kung workable man ‘yan, eh masyado nang late ‘yan. Dapat noon pa. Unang-una, nakaupo na ang gobyerno, pangalawa, kung anumang pagbabago na gustong magawa eh nagagawa naman. So para saan yung revolutionary government mo?,” ani Panelo.

Kung magdedeklara aniya ng revolutionary government, sinabi ni Panelo na dapat ginawa ito noong nag-uumpisa pa lamang ang Duterte administration at hindi sa kalagitnaan o katapusan ng kanyang administrasyon.

Ginawang halimbawa ni Panelo si dating Pangulong Corazon Aquino na siyang nagdeklara ng revolutionary government matapos pangasiwaan ang bansa mula sa dating Marcos regime.

“Si Cory Aquino, hindi ba siya ang nagdeklara ng revolutionary government after she took over from Marcos? Nag-isyu siya ng proclamation declaring a revolutionary government, nagpatupad siya ng interim Constitution, nag-draft sila noong 1987. ‘Yun ang kasaysayan ng revolutionary government,” dagdag ni Panelo.

Nilinaw ng abugado na hindi suportado ng administrasyon ang ikinakasang hakbang ng mga grupong sinasabing supporter ni Duterte.

“Eh kung may kinalaman ang gobyerno, edi sana sinuportahan na. The mere fact na lahat ng mga opisyal ng gobyerno, sinasabing hindi sila pabor, so walang kinalaman. Obvious na obvious,” giit pa niya.

The post RevGov minaliit ng abugado ng Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.



Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/revgov-minaliit-ng-abugado-ng-palasyo/)

Walang komento